AFP, aminadong may kulang pa sa kanilang modernization program

AFP, aminadong may kulang pa sa kanilang modernization program

SA kabila ng mga nagawa sa ilalim ng modernization program, ay aminado ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na kulang pa ito.

Inilatag ng pamunuan ng AFP ang narating ng kanilang pwersa pagdating sa usapin ng modernisasyon sa ginanap na pre-SONA.

Sinabi ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner Jr. na noong 1995 ay nagsimula ulit na mag-modernize ng Armed Forces.

Sa unang mga taon mula nang ipatupad ang modernisasyon, inilahad ni Brawner na medyo mabagal ang usad nito dahil na rin sa kakulangan ng pondo.

Pero kalaunan, malaki na raw ang badyet na inilaan ng gobyerno para sa modernization program.

‘’Kaya’t masayang-masaya po tayo doon sa mga nagagawa natin sa modernization. Pero kulang pa ho ito, kulang na kulang pa,’’ ayon kay Gen. Romeo Brawner, Jr. Chief of Staff, AFP.

Una rito, ibinahagi ng AFP chief na malakas na ang kakayahang pangdepensa ng bansa bunsod ng mga makabagong kagamitan na parte ng horizon 1, 2, at 3.

Aniya, kaunting programa na lang ang hindi pa natapos sa Horizon 1 at Horizon 2.

Pero aniya, tuluy-tuloy ang ginagawa nilang pagbili ng mga kagamitan, pagsasanay, at pag-aayos ng mga pasilidad.

Habang ang Horizon 3 ng modernization program ay naaprubahan na.

’Dito naman sa Horizon 3, ngayon po dahil doon sa konsepto na sinabi ko kanina, iyong Comprehensive Archipelagic Defense Concept ay kailangan talaga na i-project natin iyong defenses natin,’’ saad nito.

Dagdag pa rito, ani Brawner, mayroon na ring missile systems na dumating sa bansa at puwedeng gamitin.

Mayroon din daw mga bagong aircrafts o jetfighters at mga barko.

‘’Bumibili po tayo ng dalawang brand new na Corvettes from South Korea. Ito po ay dagdag doon sa ating inventory ng mga barko, mga warships na modern; modern na po ito,’’ dagdag nito.

Nabanggit naman ng AFP chief na kailangang i-modernize ang mga radars system ng AFP, pati ang surveillance systems at sensors.

May ilan lang na hindi binanggit si Brawner na firepower ng Pilipinas sa kadahilanan na para hindi malaman ng mga competitor kung nasaan na ang narating ng bansa.

Pero pagtitiyak ni Brawner, sakaling may sumakop sa bansa ay talagang lalaban ang pwersa ng Pilipinas.

‘’But suffice to say, na kung mayroon pong gustong sumakop or pumunta, mag-invade sa atin ay talagang lalaban po tayo at siguradong masusugatan sila,’’ ayon kay Gen. Brawner.

Ipinahayag ng AFP chief na isinasailalim na rin sa pagsasanay ang mga sundalo sa cyber warfare at sa pagbuo ng mga bagong organisasyon gaya ng missile regiments, at cyber command.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble