AFP at DND, inamin na walang problemang namamagitan sa kanilang mga opisyal

AFP at DND, inamin na walang problemang namamagitan sa kanilang mga opisyal

MATAPOS na italaga bilang mga pinuno ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Department of National Defense, humarap sa kauna-unahang pagkakataon sina Defense Secretary Carlito Galvez Jr., at AFP Chief of Staff Andres Centino sa media, araw ng Huwebes.

Dito ay binigyang-linaw ng dalawang opisyal na walang anumang problema o namumuong hidwaan sa pagitan ng kanilang mga opisyal sa kani-kanilang hanay.

Matatandaang, naging sentro ng kontrobersiya ang napaulat na destabilisasyon sa loob ng AFP.

Bagay na pinabulaanan naman ni Centino at ng buong hanay ng military.

Defense Sec. Carlito Galvez Jr., walang tatanggaling opisyal sa kanilang hanay

Nilinaw naman ni Defense Sec. Galvez na wala siyang aalisin sa alinmang pwesto o posisyon sa DND bagkus mananatili ang mga ito sa likod ng kanyang panawagang “One Defense, One AFP Team.”

Sa katunayan, isa sa mga prayoridad ngayon ng DND at AFP ang mapabuti ang programang pangkapayapaan ng bansa lalo na sa usapin sa insurhensiya at hindi sa kung anumang pangpersonal na problema.

Anti-communist group sa bansa, nanawagan ng pagkakaisa sa pagitan ng AFP, DND at PNP

Samantala, umaasa ang grupo ng mga magulang sa bansa na matatapos na at hindi na lalaki pa ang diumano’y hidwaan sa pagitan ng mga opisyal ng AFP.

Ayon kay League of Parents of the Philippines (LPP) President Remy Rosadio, hindi ito magandang pangitain lalo na sa kampanya ng pamahalaan kontra insurhensiya at kriminalidad.

“Ang una pong inaalala namin ay ang seguridad ng ating kabataan, ng pamilyang Pilipino. Ngayon po sa nangyayari po sa AFP, sa DND, nabasa ko naman po na medyo mayroon mga misunderstanding yata, na hindi po maganda ‘yan para sa atin. Ang hinihiling po naming mga magulang ay ‘yung magkaisa po ang ating present government, ang DND, ang PNP, ang AFP na gaya po ng dati noong panahon ni President Duterte na nalalabanan natin ang kasamaan na dulot ng CPP-NPA-NDF,” wika ni Remy Rosadio, President, LPP.

Giit ni Rosadio, magiging dahilan lamang ito para sa mga kalaban ng pamahalaan na pagtawanan ang security agencies ng bansa dahil sa usapin ng destabilisasyon.

“Hindi po maganda ‘yung makita ng mga kalaban natin na nagkakawatak-watak po tayo. Mas masaya po ang CPP NPA (NDF) kung nakikita tayong ganyan,” giit ni Rosadio.

Kaugnay rito, nananawagan ang grupo sa DND at AFP na magkaayos na upang magtuluy-tuloy na ang inaasam na kapayapaan sa bansa.

Partikular na sa laban ng pamahalaan kontra insurhensiya at problema sa terorismo.

“Sa mga bagong pamunuan po lalo na sa bago nating DND kay General (Carlito) Galvez Jr., alam niyo po malaki ang tiwala namin sa ‘yo. Kahit si Presidente ay nilagay ka din sa gabinete niya, kaya sana po ipagpatuloy po natin ang laban na nasimulan natin. Lalo na sa’yung laban natin sa (seguridad) ng mga kabataan lalo na sa illegal drugs, at sa lahat ng criminalities lalo na sa ating mga kabataan,” pagtatapos nito.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter