KAPWA inihayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) ang kanilang buong katapatan kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. bilang kanilang Commander-in-Chief.
Ito’y matapos kumalat sa social media ang video post ni retired BGen. Johnny Macanas, Sr. na nagpahayag na umano ng suporta sina AFP chief of staff Gen. Romeo Brawner, Jr. at PNP chief PGen. Benjamin Acorda, Jr. sa tangkang destabilisasyon sa pamahalaan.
Sa isang pahayag, sinabi ni Gen. Brawner, mananatili ang kanilang katapatan sa Saligang Batas gayundin ang walang pasubaling pagganap sa kanilang mandato.
Tiniyak ng AFP sa mga Pilipino na patuloy silang magpapamalas ng pinakamataas na pamantayan ng propesyunalismo at kanila ring tutuparin ang sinumpaang pangako na maging tagapagtanggol ng soberanya at demokratikong prinsipyo.
Sa panig naman ng Pambansang Pulisya, sinabi ni PNP PIO chief, PCol. Jean Fajardo na mananatili silang apolitical, intact, solido, at propesyunal.
Dagdag pa ni Fajardo, bagaman iginagalang nila ang kalayaan sa pamamahayag ng ilang mga retiradong heneral ng militar at pulisya hinggil sa mga usaping panlipunan, makabubuti aniyang huwag nang idamay rito ang kanilang hanay.