AFP handa pero hindi manghihimasok sa pag-aresto kay FPRRD

AFP handa pero hindi manghihimasok sa pag-aresto kay FPRRD

HINDI apektado ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte. Ayon sa AFP, mananatili silang propesyonal at patuloy na tutuparin ang kanilang mandato bilang tagapagtanggol ng soberaniya at seguridad ng bansa.

Noong Marso 9, araw ng Linggo, dumalo si dating Pangulong Duterte sa isang aktibidad sa Hong Kong na inorganisa ng mga Overseas Filipino Worker (OFWs) na naroon.

Layon ng naturang pagtitipon ang pasalamatan ang dating pangulo para sa kaniyang hindi matatawarang serbisyo sa mga Pilipino at sa bansang Pilipinas.

Libu-libong Pilipino ang dumalo sa nasabing event. Umapaw ang venue sa dami ng tao, habang ang iba nama’y tiniis na lamang ang pagtayo sa labas ng Southorn Stadium masilayan lang ang taong itinuturing nilang bayani—isang lider na buong tapang na nagbuwis ng buhay para sa bayan.

Ngunit pagdating ng Lunes, Marso 10, kumalat ang mga video sa social media na nagpapakitang tila naghahanda ang napakaraming pulis. Maraming tauhan ang ipinakalat sa iba’t ibang paliparan, may mga espekulasyong ito ay para hulihin si dating Pangulong Duterte.

Dahil dito, nag-uumapaw ang samu’t saring reaksiyon mula sa mga Pilipino.

Sa kabila ng mga haka-haka, nanatiling tikom ang bibig ng mga pulis. Wala pang kumpirmasyon kung totoong huhulihin ang dating pangulo.

Hanggang sa dumating ang Marso 11, Martes—dito na naging malinaw ang lahat.

Sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), nakaantabay na ang mga pulis, kabilang ang hepe ng PNP na si PGen. Francisco Marbil, CIDG Chief PMGen. Nicolas Torre III, at maging ang Interpol. Sa puntong ito, hindi na maikakaila—aarestuhin na ang dating pangulo.

Makalipas ang ilang oras, dumating si Duterte sa NAIA. Sinalubong siya ng mga pulis, at sa harapan niya mismo, binasa ni PMGen. Torre ang kaniyang Miranda rights—isang matibay na patunay na siya ay opisyal nang inaaresto ng mga awtoridad.

Sa kabila naman ng matinding tensiyon at maiinit na diskusyon tungkol sa isyung ito, nananatiling matatag at hindi nagpaapekto ang AFP.

Legal and political development involving former officials fall under the jurisdiction po of the appropriate agencies but for AFP, as a professional organization, the AFP would adhere to the chain of command and we remain focused on our mandate,” pahayag ni Col. Francel Margareth Padilla, Spokesperson, AFP.

Hindi makikialam ang AFP sa usaping ito ngunit handa silang umalalay sa gobyerno kung kinakailangan ang kanilang puwersa.

“However, together with the appropriate government agencies, we stand … to reinforce efforts for national security and stability when necessary,” ayon pa kay Padilla.

Ngunit paano kung magkaroon ng mas matinding kaguluhan? Ano ang maaaring epekto ng pag-arestong ito, lalo na’t milyun-milyong Pilipino pa rin ang matibay na sumusuporta sa dating pangulo?

“At this point, we cannot speculate what will ensue itong parating na ganitong activities, but for the side of AFP, as I’ve said earlier, we are ready to augment as necessary when requested,” aniya pa.

Sa gitna ng isinasagawang proseso ng mga otoridad, nananatiling nakatutok ang publiko sa susunod na hakbang ng pamahalaan at kung paano ito tatanggapin ng mga Pilipino. Habang patuloy ang paggalaw ng sitwasyon, inaasahan ang masusing pagbabantay ng mga kinauukulan para matiyak ang kaayusan at seguridad ng bansa.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble