SA pagpasok ng taong 2025, muling inihayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang pangako na dedepensahan ang Pilipinas at ang mga Pilipino.
Ito ang sinabi ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. matapos magbigay ng mensahe para sa Bagong Taon.
Aniya ang taong 2025 ay malaking oportunidad para sa organisasyon upang muling maipabatid ang kanilang mga layunin at hangarin para sa bansa.
Hinikayat din nito ang bawat miyembro ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas na magkaisa at maging determinado sa pagpapalakas ng AFP para sa kinabukasan ng bawat Pilipino.
Sa huli, sinabi ni Brawner na ang nakaraang taong 2024 ay patunay na ang AFP ay matibay at propesyonal sa kabila ng mga pagsubok na kanilang hinarap.