INIHAYAG ng AFP na sila ay nananatiling tapat sa sinumpaang tungkulin na pangalagaan ang pambansang interes sa karagatan, lalo na sa WPS.
Muling inihayag ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na sila ay nananatiling tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin na pangalagaan ang mga pambansang interes sa karagatan, lalo na sa West Philippine Sea (WPS).
Kasunod ito ng 54 NBA misyon na isinagawa ng Hukbong-Dagat at Hukbong-Himpapawid Mula Nobyembre 1 hanggang 25, na pawang naging matagumpay sa pagpapatrolya upang palakasin pa ang seguridad at soberaniya ng bansa.
Ayon kay Col. Francel Margareth Padilla, tagapagsalita ng AFP, kasama sa mga nabanggit na operasyon ang 3 Sealift Missions, 13 Maritime Patrols/Sovereignty Patrols (MARPAT/SOVPAT), 1 Maritime Surveillance Patrol (MARSUVPAT), 1 Search and Rescue (SAR) Operation, at 1 Rotation and Resupply Mission (RoRe) ng mga barkong pandagat.
Samantala, nagsagawa naman ng apat na Maritime Air Surveillance/Intelligence, Surveillance, and Reconnaissance (MAS/ISR) operations ang mga sasakyang panghimpapawid, kasama ang 30 Maritime Patrol (MARPAT), at 1 Search and Rescue (SAR) Operation.
Dagdag pa ni Padilla na pinapalakas ng mga nabanggit na pagpatrolya ang pangako ng AFP sa West Philippine Sea (WPS) habang tinitiyak ang tuloy-tuloy na suporta para sa mga operasyon tulad ng maritime domain awareness, search and rescue operations, at mga resupply mission.