AFP nag-o-overstep sa responsibilidad; DFA, dapat manguna sa foreign policy ─geopolitical analyst

AFP nag-o-overstep sa responsibilidad; DFA, dapat manguna sa foreign policy ─geopolitical analyst

MAINIT na usapin ngayon ang tensiyon sa pagitan ng China at Taiwan, at ang papel na ginagampanan ng mga ahensiya ng gobyerno, partikular na ang Armed Forces of the Philippines (AFP).

Sa isang pahayag kamakailan, sinabi ni AFP Chief of Staff General Romeo Brawner na handa ang AFP na tumulong sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nasa Taiwan, at inatasan niya ang Northern Luzon Command (NOLCOM) na maghanda para sa posibleng gulo kung magpapatuloy ang tensiyon sa pagitan ng China at Taiwan.

“There are 250,000 OFWs working in Taiwan and we will have to rescue them. And it will be the task of NOLCOM to be at the front line of that operation,” ayon kay Gen. Romeo Brawner, Chief of Staff, AFP.

Ngunit tila may ibang pahiwatig ang pahayag ni Brawner nang sinabi niyang magpaplano na ang AFP para sa mga posibleng aksiyon kung sakaling maganap ang invasion ng China sa Taiwan.

Inihayag niya na palalawakin nila ang kanilang operasyon, dahil aniya, kung mangyari ito, tiyak na madadamay ang Pilipinas.

“Start planning for actions in case there is an invasion of Taiwan. So, i-e-extend na natin ‘yung (We will extend our) sphere of operations natin because if something happens to Taiwan, inevitably we will be involved,” ani Brawner.

Para naman kay Herman Tiu-Laurel, isang geopolitical analyst, bagamat mahalaga ang pagtulong sa ating mga OFW, may mga nag-aalangan kung tama nga ba na ang AFP ang magsalita at magplano hinggil sa isyung ito.

“Ino-overstep na ng AFP ang kanyang responsibilidad, at pinababayaan ang DFA ay maiwan po sa usapan, which is wrong,” saad ni Herman Tiu-Laurel, Geopolitical Analyst.

Binanggit din ni Laurel na ito aniya ay labis na panghihimasok sa mga tungkulin ng Department of Foreign Affairs (DFA), na siyang dapat manguna sa mga ganitong isyu upang maiwasan ang kalituhan at maling interpretasyon.

Matatandaang mismong si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ay nagpahayag ng respeto sa tinatawag na One China Policy at sinabi niyang hindi dapat makialam ang Pilipinas sa hidwaan ng China at Taiwan.

“We are not endorsing Taiwanese’ independence. Taiwan is a province of China but the manner in which they will be brought together again is an internal matter,” ayon kay Pres. Ferdinand Marcos, Jr.

Para kay Laurel, ang patuloy na pagpapalakas ng pahayag ng AFP hinggil sa isyung ito ay nagiging sanhi ng kalituhan, at siyang nagiging dahilan kung bakit ngayon ay nananahimik ang DFA sa mga usapin ng foreign policy ng Pilipinas.

“Dapat bumalik sa DFA lahat ng mga issues na ‘to, pero mapapansin niyo tahimik ang DFA dahil nasasapawan sila at ‘yan ay kasalanan ng Malacanang kung pinapayagan nilang magkalabo-labo at magkahalo-halo ang responsibilidad ng DFA doon sa tingin ng AFP na kanilang teritoryo na,” ani Laurel.

Sa kabila ng mga hakbang ng AFP upang tiyakin ang kaligtasan ng mga OFW at magplano para sa posibleng epekto ng tensiyon sa Taiwan, mahalaga aniya na ang mga hakbang ng gobyerno ay magkakasundo at may malinaw na direksiyon upang maprotektahan ang mga mamamayan ng Pilipinas at mapanatili ang kaayusan sa international relations.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble