WALANG hidwaan at buo pa rin ang Armed Forces of the Philippines (AFP).
Ito ang ginawang paglilinaw ng tagapagsalita ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na si Col. Medel Aguilar.
Kasunod ito ng kumalat na balita na may namumuong hidwaan sa pagitan ng mga matataas na opisyal o senior generals ng ahensiya.
Sa programang Nightline News sa SMNI, sinabi nitong nakasentro ang AFP sa paglaban sa threat groups na namamayagpag sa bansa at hindi sa kung anong tsismis lamang.
Nag-ugat diumano ang kontrobersiya at sinasabing demoralisasyon sa hanay ng mga senior general bunsod ng pagpapatupad ng RA 11709 o “An act strengthening professionalism and promoting the continuity of policies and modernization initiatives in the Armed Forces of the Philippines.”
Sa ilalim ng nasabing batas, magkakaroon ng 3-taon na tour of duty ang Chief of Staff, Vice Chief of Staff, Deputy Chief of Staff, Commanding Generals ng Philippine Army at Philippine Air Force, Flag Officer in Command ng Philippine Navy, Commanders ng Unified Command at Inspector General.
Nauna na ring pinabulaanan ni Defense OIC Jose Faustino, Jr. na may usap-usapan sa loob ng military organization kaugnay sa mga apektadong opisyal, sa kanilang promotion o appointment mula sa nasabing batas.
Giit ng AFP, maayos naman nilang napag-uusapan ang bagong sistema kung kaya’t imposibleng maging mitsa ito ng hindi pagkakaunawaan sa pagitan ng mga matataas na opisyal ng AFP.
Sa katunayan, hinihintay na lamang nila ang Implementing Rules and Regulations (IRR) upang malaman kung paano maipatutupad ang bagong sistema.
Paglilinaw pa ng AFP, pansamantalang mananatili sa ranggong 3-star general si AFP chief of staff Lt. General Bartolome Bacarro.
Ito ay dahil nanatiling miyembro pa rin ng AFP si dating AFP chief General Andres Centino na isang 4-star general na pinalitan ni LtGen. Bacarro.
Gayunman, posible umanong mapaaga ang pagreretiro ni Gen. Centino kung tuluyan siyang hirangin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. para sa isang ambassadorial post.
Saka lamang maaaring makuha ni LtGen. Bacarro ang 4-star general rank.
Ayon sa Saligang Batas, isa lamang ang probisyon para sa 4-star general sa hanay ng military.
Si Centino ay nakatakdang magretiro sa darating na Pebrero 2023.