ISINUSULONG ng ating mga kasundaluhan ng North Luzon Command (NolCom) ng Armed Forces of the Philippines ang kapayapaan ngayong Kapaskuhan.
Ngayong panahon ng Kapaskuhan, walang ibang hiling ang mga militar kundi ang kapayapaan at ang masaganang pamumuhay sa mga kababayang salat sa serbisyo at suporta ng pamahalaan.
Kasunod ito ng patuloy na pananalasa ng communist terrorist group sa mga lalawigan ng Zambales at Tarlac.
Pero kasabay rin nito ang pagtitiyak na hindi titigil ang tropa ng pamahalaan na makuha at maibalik ang magandang pamumuhay ng mga katutubong Aeta na malayo sa impluwensya ng CPP-NPA-NDF.
Sa panayam ng SMNI News kay Maj Al Anthony B Pueblas (Inf) PA., acting Group Commander, 1st Civil Relations Group, CRS AFP, lubos siyang umaasa na magiging merry ang Pasko ng bansa kung makikipag-isa ang lahat lalo na sa usaping pangkapayapaan.
“Wala po kaming ibang hangad kundi, ang tuluy-tuloy na makamtan natin ‘yung ating nakamit na kapayapaan para sa gayunpaman ay tuluy-tuloy din nating matikman, maramdaman ang kaunlaran dito sa area ng NoLCom, lalong-lalong na itong papalapit na Pasko, sana tayo ay magkaisa at mapigilan na talaga itong kaguluhan na pilit na ginagawa nitong mga makakaliwang grupo ng CPP-NPA-NDF. Ang NoLCom ay umaasa na sa panahon natin ngayon, tayong mga Pilipino ay magkaisa lalong-lalo na dito sa Central at Northern Luzon para tuluyan na po nating matuldukan ‘yung mga ginagawa nitong mga CPP-NPA-NDF na panlilinlang sa ating mga kababayan para makamtan na natin ‘yung ating minimithi. Nakamtan na natin, but, tuluy-tuloy na sana natin itong maramdaman ‘yung tunay na kapayapaan at kaunlaran,” ani Maj. Al Anthony B. Pueblas (INF) PA.
300 na mga kabataang Aeta sa Tarlac, nakatanggap ng maagang pamasko mula sa AFP North Luzon Command
Samantala, upang maipadama ang tunay na malasakit at pagmamahal ng mga kasundaluhan sa mga kababayang indigenous people sa lalawigan ng Tarlac at Zambales, isang outreach program ang pinangunahan ng militar katuwang ang ilang pribadong sektor.
Makikita ang saya at ngiti ng nasa 300 mga kabataang Aeta habang tinatanggap ng mga ito ang maagang pamasko ng mga tropa ng militar para sa kanila.
Ayon sa AFP, malaking kurot sa kanilang puso na makitang may pag-asa silang hinihintay hanggang sa kanilang pagtanda sa tulong ng mga serbisyong hatid ng pamahalaan at iba’t ibang organisasyon.
“Isa sa mga adhikain talaga natin na matulungan itong mga kababayan natin. Alam natin na hindi masyadong naabot itong mga kababayan nating tribu kung kaya ang ating NoLCom, ang ating Armed Forces of the Philippines ay basically, ito naman talaga ‘yung isa sa mga ginagawa natin na tulungan talaga ‘yung mga kapatid natin para maipadama natin na sila ay kailangang sila ay may malaking tulong dito sa ating komunidad,” ayon pa kay Maj. Pueblas.
Sa pagtatapos ng National Children’s Month sa buwan ng Nobyembre, ibinahagi rin ng North Luzon Command ang kanilang adbokasiya sa mga barangay at komunidad na kanilang nasasakupan.
Isa na rito ang pakikipagtulungan ng mga residente sa gobyerno lalo na sa mga militar para sa proteksiyon ng mga kabataan, mga magulang at buong mamamayan ng Tarlac at Zambales.
Naniniwala rin ang militar na kung wala ang pakikipag-isa ng lahat, mahihirapan ang pamahalaan na matuldukan ang problema ng bansa laban sa insurhensiya.
Nauna nang ipinagmalaki ng AFP ang unti-unting pagbabalik-loob ng mga miyembro ng CPP-NPA-NDF sa gobyerno.
Kasama na rito ang dahan-dahang deklarasyon ng maraming lugar, probinsiya at rehiyon na idineklarang persona non grata ang New People’s Army kasabay ng kanilang pagtakwil ng kanilang suporta rito.