SANG-ayon ang Armed of the Philippines (AFP) na dapat si Vice President Sara Duterte ang pipili ng mga taong magsisilbing security nito.
Kasunod ito ng kontrobersiyal na pagtanggal ng PNP ng ilang security detail nito na umabot sa 75 para ipangdagdag umano sa nagkukulang na bilang ng kapulisan sa Metro Manila.
Habang ang natira naman ay nabatid na halos hindi kilala o hindi komportable si VP Sara para sa kaniyang seguridad at kaligtasan.
Sa panayam kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla, mas mainam aniya na mismong si VP Sara ang pipili ng close in security o mga taong magbibigay sa kaniya ng seguridad na handang ialay ang buhay lalo na sa mga alanganing sitwasyon.
‘‘Really those should be your trusted ones willing to give out, it depends, it could be somebody who is she really comfortable with because that’s the person that’s gonna offer their life for you. They’ll take the bullet for you,’’ ayon kay Col. Francel Margareth Padilla, Spokesperson, AFP.
Inihalintulad pa ni Padilla sa assassination plot kay US Presidential Candidate Donald Trump ang maaaring mangyari kay VP Sara kung hindi nito matitiyak ang katapatan ng kaniyang mga security sa oras ng panganib.
Nilinaw rin ng AFP na bukod sa pagtitiyak na magiging maayos ang mga opisyal na mga lakad ng pangalawang pangulo, kasama rin sa security details nito ang seguridad para sa pamilya ni VP Sara bagay na hindi nauunawaan ng marami lalo pa’t itinuturing na high official o isa sa mga very important person ng bansa ang Bise Presidente.
Ibig sabihin, ang nasa 400 na security detail ng pangalawang pangulo ay hindi lahat nakabuntot sa kaniya, kundi nakakalat ito sa iba’t ibang panig ng bansa at saka lamang ina-activate ang mga ito depende sa mga lugar, at okasyon na pinupuntahan ng pangalawang pangulo na nangangailangan ng mahigpit na seguridad para sa kaligtasan nito.
‘‘Mayroon kasi kami standard deployment diyan, mayroon kaming TOD teams, may bomb experts, may training kayo kung anong role that you play, may blanket trainer ka, may K9 Team ka, hindi kasi lahat ‘yan at any one time magkakasabay ‘yan, may nag a-advance diyan, may nagki-clear ng area, may nagpo-protect sa outer perimeters, may naka-deploy way way in advance , risk people, food tasters, maraming roles that you have to play. When you total the number of people, depending on the commander on the ground how much that would be requested,’’ ayon pa kay Col. Padilla.
Sa huli, iginiit ng AFP na mandato nila na protektahan ang pangalawang pangulo at pangulo at iba pang VVIP na nangangailangan ng sapat na seguridad para sa kanilang kaligtasan.
‘‘For our side kasi, I’m speaking of the AFP, so that’s the PSC. So, ibig sabihin for the Presidential Security Command what is required of us is to protect them from harm and embarrassment,’’ saad pa ni Padilla.
Sa kabilang banda, nagdesisyon na ang PNP na payagan si VP Sara na kunin o piliin ang mga pulis na dati na nitong nakasama mula sa iniwang security detail sa kaniya.
Tugon naman ito sa pakiusap ni Sen. Bato dela Rosa na bigyan ng kalayaan si VP Sara na pumili ng kaniyang security na batid siyang ipagtatanggol at handang magpakamatay para protektahan ang pangalawang pangulo.