AFP, tiwala na tuluyang mabubuwag ang natitirang guerilla fronts bago matapos ang taon

AFP, tiwala na tuluyang mabubuwag ang natitirang guerilla fronts bago matapos ang taon

NAGPAHAYAG ng tiwala ang AFP na tuluyang mabubuwag ang natitirang guerilla fronts sa Pilipinas bago matapos ang 2024.

Malaki ang naging pagbaba ng bilang ng mga komunistang teroristang grupong New People’s Army (NPA) sa bansa.

Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief Gen. Romeo Brawner Jr., nasa 1,111 na lamang ang mga miyembro ng NPA ngayong taon mula sa 2,200 noong 2023.

Dagdag ni Brawner, malaki rin ang ibinaba ng bilang ng mga baril na hawak ng mga rebeldeng NPA. Bumaba rin sa apat ang bilang ng guerilla fronts mula sa pito noong nakaraang Hulyo.

Nagpahayag naman ng tiwala ang AFP na tuluyang mabubuwag ang natitirang guerilla fronts sa Pilipinas bago matapos ang taong kasalukuyan.

“In terms of the strength of the New People’s Army, ay talagang mahinang-mahina na sila. So, they only have about 1,111 fighters left from the 2,200 last year. So, that is a big reduction in their manpower.”

“And we are expecting by the end of the year, we will have finished all the guerilla fronts. We will have reduced them to zero,” saad ni Gen. Romeo Brawner, Jr. Chief-of-Staff, AFP.

Inihayag ng AFP chief na karamihan sa mga nag-aaklas ay nagsasaad ng kanilang intensiyon na sumuko at bumalik sa lipunan.

Gayunman, sinabi ni Brawner na hindi maaaring pabayaan ng gobyerno ang pagbabantay nito habang binigyang-diin na magpapatuloy ang kanilang combat operations.

Sinabi naman ni National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Undersecretary at Executive Director Ernesto Torres Jr. na nakatuon ang pamahalaan sa pananatiling mapagbantay laban sa mga teroristang grupo.

“We have to continue working together to be more vigilant even if we have already severely degraded their capability to conduct violent actions, or terrorism. We have to be continuously vigilant and supportive of the different socio-economic development programs of the government,” ayon kay Usec. Ernesto Torres Jr., Executive Director, NTF-ELCAC

Binanggit naman ni Brawner na patuloy na sinisikap ng pamahalaan na hikayatin pa ang mga miyembro ng mga teroristang grupo na bumalik sa lipunan.

“Magbalik na lang sila nang sa ganun, ang sinasabi namin sa kanila, malapit na ‘yung Pasko at maganda, mas maganda na magbalik-loob kayo and then makasama ninyo ‘yung mga mahal niyo sa buhay,” dagdag ni Brawner.

Ipinahayag ng AFP chief na makatatanggap ng benepisyo ang mga insurgent sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) kung sila’y susuko.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble