MANILA, Philippines — Pinabulaanan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga pahayag ng China Coast Guard na umano’y naisakop na nila ang Sandy Cay, isang bahura malapit sa Pag-asa Island (Thitu Island) sa West Philippine Sea.
Sa isang opisyal na pahayag, tiniyak ng AFP na walang ebidensyang sumusuporta sa nasabing alegasyon, batay sa resulta ng maritime operations na isinagawa ng Western Command.
“Walang basehan ang pag-aangkin ng China. Ang Sandy Cay ay nananatiling bahagi ng teritoryo ng Pilipinas at regular itong binabantayan ng ating mga puwersa,” ani ng AFP.
Kasabay ng pagpabulaanang ito, nagsagawa ng missile launch drills ang Estados Unidos at Pilipinas nitong Linggo, Abril 27, sa ilalim ng kauna-unahang Integrated Defense Drills. Ayon sa militar, bahagi ito ng pagpapalakas ng depensa ng bansa, lalo na sa gitna ng tumitinding tensyon sa rehiyon.
Ang Sandy Cay ay isang maliit na reef sa paligid ng Pag-asa Island, kung saan matatagpuan ang isang Philippine military facility at komunidad ng sibilyan. Ayon sa Philippine Coast Guard, Philippine Navy, at National Security Council, ang mga aktibidad ng China ay walang legal at faktwal na batayan.