Agarang pagpapabakuna sa lahat ng healthcare workers, tiniyak ng Malakanyang

AGAD na makatatanggap ang mga healthcare workers ng bakuna kontra coronavirus disease kapag dumating na ang COVID-19 vaccine sa bansa.

Ito ang pagtitiyak ng Malakanyang kung saan siniguro nitong hindi aabutin ng isang buwan at mababakunahan na rin ang lahat ng medical frontliners.

Muling ipinabatid ni Presidential Spokesman Harry Roque na base sa listahan na bibigyang prayoridad ng gobyerno, ang health workers ang una sa mga mapagkakalooban ng bakuna laban sa coronavirus.

Batay sa Interim National Immunization Technical Advisory Group, una sa listahan o Priority Group A1 ang mga frontline workers sa mga national at local, public at private health facilities, health professionals at non-professionals tulad ng mga nursing aides, barangay health workers, estudyante, janitors at iba pa.

Nasa 117,000 dosis ng COVID -19 vaccine ang nakalaang bakuna para sa mga medical frontliner na manggagaling sa COVAX facility.

Mula rito, nasa 50,000 healthcare workers ang makatatanggap ng tig-dalawang dosis ng bakuna.

Ngayong buwan ng Pebrero, inaasahang darating sa bansa ang unang batch ng COVID-19 vaccines.

Kung maalala, inihayag ng Department of Health o DOH na makakukuha ang Pilipinas ng bakuna mula sa COVAX facility para sa 20 porsyento ng populasyon at limang porsyento lamang ang kailangang bayaran ng national government.

SMNI NEWS