Agarang payout ng mga “Libreng Sakay” drivers at operators, ipinanawagan ng ilang transport groups

Agarang payout ng mga “Libreng Sakay” drivers at operators, ipinanawagan ng ilang transport groups

NANAWAGAN ang ilang transport group sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na bilisan pa ang pagbabayad sa mga operator at tsuper na lumahok sa Libreng Sakay program ng pamahalaan.

Ipinanawagan ngayon ng Samahan ng City Buses sa LTFRB na dagdagan pa ng kaunting bilis ang pagbabayad nila sa mga operator at tsuper na kalahok sa Service Contracting Program o Libreng Sakay ng pamahalaan.

Ayon kasi kay Juliet De Jesus pinuno ng nasabing transport group, malaking epekto kung mabagal ang paglabas ng payout ng LTFRB.

Aniya, apektado rin ang pangbayad sa gasolina at pangsweldo sa mga tsuper.

“’Yung ma-update naman sana kasi ‘yung lang naman ang nire-request ng mga operator, parang may domino effect kasi ‘yan pag hindi mo kami binayaran wala kaming pambili ng diesel wala kaming pang sweldo sa tao,” pahayg ni De Jesus.

Pagbibigay-diin nito, posible maapektuhan ang kanilang pang-araw-araw na pagbyahe kung magtuloy-tuloy sa mabagal na pagrelease ng payout ang LTFRB.

Aniya, dugtong-dugtong ang problema sa oras na hindi ito nasolusyunan.

“Mapabilis ng konti, medyo mag-isip pa ng mas mabilis pa para ma-cope up. Ang busway sila nalang ‘yan, pero running halimbawa nagbayad sila ng week 12 o week 13 ito naman buong July another 4 weeks naman ‘yun diba? Tapos nasa August na tayo parang andoon pa rin ang problema dugtong-dugtong kasi hindi ka naman pwede mag stop ngayon dahil wala pa naman kami sa balik ruta namin,” ayon kay De Jesus.

Bago rito, tiniyak ng LTFRB na gagawan nila ng solusyon upang mabilis na mabayaran ang mga tsuper at operator sa kanilang serbisyo.

Ito ang inilabas na hinaing ni Ginang Juliet nang makapanayam ng SMNI, pero sa kabila nito tinupad naman ng LTFRB ang kanilang pangako na mabayaran ang mga driver at operator na pumapasada sa EDSA Busway.

Sa katunayan, nasa P445.46 milyon na ang nabayarang utang para sa Week 6 hanggang Week 13 ng Service Contracting Program Phase 3.

At ngayon kasalukuyang pino-proseso ng LTFRB ang bayad sa mga driver at operator para sa week 14 at 15.

Ipinaalam naman ni LTFRB Chairman Atty. Cheloy Garafil na tuloy-tuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga PUB consortia ng EDSA Busway.

Ito ay para masimulan na ang proseso sa pagbabayad para sa Week 16 na nagtapos nitong nakaraang linggo.

Ani Atty. Garafil, tuloy-tuloy ang pagsagot ng pamahalaan sa mga isyu na may kaugnayan sa pampublikong transportasyon.

“Patuloy ang LTFRB sa pagsagot sa mga isyu at concerns patungkol sa kasalukuyang pampublikong transportasyon base sa mandato ng bagong administrasyon upang mapadali ang buhay ng ating mga operator, drayber at mga pasahero,” ani Garafil.

Samantala, sa usapin naman ng No Contact Apprehension Policy (NCAP), binibigyang-diin ni Mr. Orlando Marquez pinuno ng Liga ng Transportasyon at Operator ng Pilipinas (LTOP) na dapat suspindehin ng lokal na pamahalaan at maging ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang pagpatutupad ng NCAP.

Ito ay dahil sa napakataas na multa na ipinapataw sa mga lumalabag sa NCAP gayundin ang hindi pagbibigay ng LTO ng renewal of registration sa mga pribado at pampublikong sasakyan na lumalabag sa polisiya.

“Magkaiba ang penalty sa MMDA, LGU at LTO. Isa lang tayo ng republika ng Pilipinas ang kanilang ginamit na violation na pangalan ng violation halimbawa disregard traffic signs galing lahat sa Republic Act 4136 Rules Regulation on Traffic Violation, kumbaga sa hindi pagkaka-parehas nilang penalty ginawa nilang kanyang-kanyang negosyo,” ayon kay Marquez.

Aniya, base sa batas dapat nasa P500 lang ang fine ng mga lumalabag sa batas-trapiko, pero tumataas na ang singil ng ibang ahensiya ng pamahalaan na halos abutin na ng 3,000-5,000 piso.

Dahil dito, nanawagan ito sa mga national government na suspindehin muna ang NCAP dahil bumabawi pa lang ang drayber at operator sa kanilang kinikita.

“’Yung transport sector panawagan namin tanggalin yung No Contact Violation i-suspend muna kasi walang public consultation ‘yan hindi na refine di ba? Sila-sila kasi pinagbabayad nila ang mamamayan, halimbawa galing sila sa Cebu sa Visayas na lang, sabihin natin sa Ilocos pumunta sa Quezon City nahuli ng traffic violation dapat ang kanilang ini-implement na batas galing sa Kongreso dahil sakop na ‘yan ng national violation kung tinatawag.

Sa kasalukuyan ay ipinapatupad ang NCAP sa mga lungsod ng Valenzuela, Parañaque, Muntinlupa, Maynila at Quezon City.

Sinabi naman ni Orlando Marquez pinuno ng LTOP na bukas sila na makipagpulong sa LTO upang masolusyunan ang hinaing ng mga operator at tsuper hinggil sa NCAP ng pamahalaan.

 

Follow SMNI News on Twitter