MALAKING tulong ang bagong batas na Agrarian Emancipation Act na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. upang makamit ang kapayapaan sa bawat rehiyon sa bansa at matigil ang armadong pakikibaka.
Kahirapan sa buhay ang pangunahing sangkap na ginagamit ng mga teroristang komunistang grupong CPP-NPA-NDF sa pagre-recruit o panlilinlang sa mga kawawang mamamayan.
Nire-recruit upang umanib sa kanilang kilusan na walang ibang hangarin kundi ang pabagsakin ang pamahalaan at nakalulungkot man isipin na ang mga magsasaka sa kanayunan ang kanilang pangunahing target upang mag-alsa laban sa gobyerno at sumama sa armadong pakikibaka.
Kaya naman ito ang binigyang pansin noon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. Oktubre 21, 1972 nang nilagdaan ng yumaong Pangulo ang PD 27 o ang Agrarian Reform Act na kung saan bibigyan ng lupa ang mga magsasaka ngunit meron silang obligasyon na dapat bayaran sa loob ng 30 taon.
Ngunit sa panahon ngayon ng kaniyang anak na si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ay hindi na nila ito dapat bayaran dahil nilagdaan nito ang Republic Act 11953 na kung saan hindi na babayaran ng mga magsasaka ang kanilang mga utang kabilang ang interest at mga penalty sa ibinigay na lupa sa mga agrarian reform beneficiaries ARBs sa ilalim ng PD 27, RA 6657 (The Comprehensive Agrarian Reform Law of 1988).
Ayon kay Undersecretary Marilyn B. Barua-Yap, External Affairs and Communications Operations Office ng Department of Agrarian Reform (DAR), sa ilalim ng bagong batas ay magiging ganap na ang pagmamay-ari ng mga magsasaka sa lupang iginawad sa kanila ng pamahalaan.
Dagdag pa in Usec. Yap, nasa mahigit 610,000 na agrarian reform beneficiaries ang mawawalan ng utang sa nasabing bilang ng mga ARB’s nasa mahigit isang milyong ektarya ng lupa ang sinasaka ng mga ito at aabot naman sa P57.55-B ang halaga ng naturang utang.
Para naman kay Joel Sy Egco, dating tagapagsalita ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Media Affairs at ngayon ay chief ng NTF-ELCAC Media Bureau, na ang nasabing hakbang ni Pangulong Marcos ay malaking tulong hindi lang upang makatulong sa pamumuhay ng mga magsasaka kundi maging sa pagkamit ng kapayapaan at insurgency-free na komunidad sa bawat rehiyon dito sa bansa.
Sa nasabing hakbang din aniya ay naipakita na ang pamahalaan ang tunay na nagmamalasakit sa mga magsasaka at hindi ang mga teroristang komunistang CPP-NPA-NDF.
Sa huli, sinabi ng DAR na hindi lang ito ang kanilang ginagawa upang matulungan na umangat ang buhay ng mga magsasaka, nariyan din aniya ang mga support services ng pamahalaan na tumutugon sa mga pangunahing pangangailangan ng mga magsasaka.