Hindi na nga mabilang pa ang mga bagyong tumama at nanalasa sa ating bansa simula pa noong Enero hanggang ngayong kasalukuyan.
Sa buwan nga lang ng Nobyembre ay sunod-sunod ang pananalasa ng mga bagyo sa loob lamang ng isang linggo.
Tuwing nagkakaroon ng kalamidad unang naaapektuhan ang mga magsasaka at mangingisda.
Sa datos nga ng Agriculture Department, lumobo na sa P1 bilyong ang pinsala sa fishery sector.
Gumawa na raw ng hakbang ang ahensya upang hindi magkulang sa suplay ng isda na posibleng makaapekto sa presyuhan nito sa merkado lalo na’t nalalapit ang holiday season.
Sinabi ni Agriculture Assistant Secretary at Spokesperson Arnel De Mesa muling mag-aangkat ng karagdagang 8,000 metriko tonelada ng isda.
‘’Alam natin na ang laki ng naging problema ng nakalipas na sunod-sunod na bagyo. Magmula kay Kristine, Leon, Marce, Nika, Ofel hanggang kay Pepito, talagang naapektuahan, isa ang fishery ang naapektuahan,’’ ayon kay Asec. Arnel De Mesa.
Matagal na raw kasing hindi nakapaglayag ang mga mangingisda dahil sa sunod-sunod na mga bagyo.
Bukod pa diyan ang ipinatupad na closed fishing season ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Wala naman daw’ng shortage sa isda ngunit nararamdaman ngayon ang mataas na presyo.
Sa monitoring ng ahensya, umabot na sa P240/kg hanggang P320/kg na ang presyo ng lokal na galunggong, P260/kg sa mackarel o alumahan at P150/kg naman ang tilapia at bangus.
Una na rin kasing inaprubahan ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., kamakailan ang pag-aangkat ng 30,000 MT ng isda.
Kagaya na lamang ng galunggong, mackarel, bonito at moon fish.
‘’Yun ang intensyon natin ay maging maayos ang presyuhan,’’ saad ni Asec. De Mesa.
‘’Gusto lang natin ma-assure na hindi tayo magkaka-problema later on,’’ ayon nito.
Sa kabuuan, aabot na sa 38,000 MT na isda ang aangkatin na kailangang paratingin sa bansa hanggang sa katapusan ng Disyembre ng taon.
Paglilinaw naman ng opisyal mababa lamang ang nasabing halaga nang aangkating isda kumpara noong nakaraang taon na umabot sa 60,000 metriko tonelada.
Sa usapin naman ng gulay ay aminado ang DA na maituturing na pinakamalala ang pinsalang inabot dahil sa sunod-sunod na mga bagyo.
Isa sa epekto nito ay mataas na presyo ng mga gulay bagyo at tagalog sa mga pamilihan.
Kaya naman ipinag-utos ni Sec. Laurel sa Bureau of Plant Industry ang paglalabas ng rekomendasyon kung kinakailangan na rin ba ang pag-aangkat ng mga gulay.
Pero, prayoridad muna ng ahensya na alamin kung maaari bang makakuha ng ibang suplay ng gulay sa mga rehiyon na hindi naapektuhan ng bagyo.
‘’I-check ‘yung sources sa ibang Regions (jump). Mindanao, ofcourse Bukidnon dito sa Region 12. ‘Yan ‘yung mga alternative sources natin. Sa Visayas, ofcourse, sa Cebu, meron din ‘yan,’’ ani De Mesa.
Hindi man masabi ngayon ng Agriculture Department kung may kakulangan sa suplay ng gulay ngunit kailangang paghandaan dahil sa tindi ng epekto ng sunod-sunod na mga bagyo.
‘’Grabe ‘yung damage, historical ‘yung pangyayari ngayon. Extra ordinary circumstances,’’ saad nito.