POSIBLENG maging centerpiece ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang agrikultura sa kaniyang State of the Nation Address (SONA) ngayong araw, Hulyo 24, 2023.
Ito ang sinabi ni Chief Presidential Legal Counsel Sec. Juan Ponce Enrile sa panayam ng SMNI News.
Ani Enrile, ang agrikultura ang may pinakamalaking problema sa bansa.
“Ipinakikita niya na sa kanyang administrasyon, ang tututukan niya ang agrikultura sapagkat ‘yan ang malaking problema ng ating bansa. We are now more than 100M, eating everyday. Noong kapanahunan namin, ilan lang tayo – mga 40M. Malaking responsibilidad ‘yan. Malaking investment and kailangan diyan. Palagay ko ‘yan ang magiging centerpiece ng kanyang SONA,” ani Enrile.
Matatandaan na sa pag-upo sa puwesto bilang pangulo ng bansa ay personal na pinamumunuan ni Pangulong Marcos ang Department of Agriculture (DA).
Bukod sa agrikultura, ani Enrile ay posibleng mabanggit din ng Pangulo sa SONA ang ibang usapin tulad ng food security, mga paliparan, ang ekonomiya at iba pang interes ng bansa.
Tinukoy rin ni Enrile ang pinakamagandang nagawa ni Pangulong Marcos sa bansa ay ang pagsabatas sa New Agrarian Emancipation Act na nag-condone sa lahat ng utang kasama na ang interes, penalties at iba pang surcharges ng mga benepisyaryo ng Agrarian Reform.