IPINAKITA ng Department of Information and Communications Technology (DICT) kung papaanong sa loob ng ilang segundo ay makakagawa ka na ng isang deepfake gamit ang isang online application.
Ang deepfake ay isang teknolohiya na gumagamit ng artificial intelligence para kopyahin ang mga imahe o boses ng tunay na tao, lugar, o kaganapan.
Ayon kay DICT Usec. Jeffrey Ian Dy, isa ito sa mga banta sa papalapit na 2025 midterm elections – ang pagpapakalat ng maling impormasyon sa pamamagitan ng paglikha ng mga pekeng video ng mga personalidad na naglalabas ng manipuladong mensahe gamit ang AI.
Ayon kay Dy – may mga lumapit na sa DICT para magpatulong na matukoy ang mga online content na naglalaman ng maling impormasyon at gumagamit ng AI.
Nilinaw ni Dy na wala sa posisyon ang DICT para tanggalin ang mga sinasabing content sa social media at malaya naman aniya ang bawat indibidwal na maipahayag ang kaniya-kaniyang opinyon sa usaping politika dahil protektado aniya ang karapatan sa malayang pamamahayag ng Saligang Batas.
Pero ang nais daw nila ay mismong ang mga social media network ang tutukoy ng mga ipinapakalat na maling impormasyon gamit ang AI.
Aminado ang opisyal na may kahirapan ang trabahong ito pero nangako naman aniya ang ilang major giant social media networks na tutulungan ang DICT sa isyung ito.
Ngayong eleksiyon, hinimok ng DICT ang mga indibidwal o political party na magsumbong sa Commission on Elections hinggil sa AI generated disinformation na kumakalat sa mga social media platform.
Saka aaksiyunan ng DICT ang nasabing reklamo sa panahong ie-endorso ‘yan ng COMELEC.
Agad namang makikipag-ugnayan ang ahensiya sa mga nasabing social media network kung saan kumalat ang inirereklamong content.
Dadag naman ni Dy – may mga available nang online applications para tulungan ang isang indibidwal na matukoy kung ang isang video ay gumamit ng AI o hindi.