NASA ‘unhealthy’ na lebel o nakasasama na sa kalusugan ang air quality ng Manila matapos ang naging pagdiriwang ng Bagong Taon.
Batay ito sa report ng IQAir nitong Miyerkules, Enero 1, 2025 kung saan nasa 166 ang nakuhang Air Quality Index (A.Q.I) ng capital city ng Pilipinas.
Sa standard measurement, ang lalagpas sa 150 na A.Q.I ay nakasasama na sa kalusugan ayon sa IQAir.
Ang pangunahing pollutant ay PM2.5 na madalas nagmumula sa mga usok ng sasakyan, pagsusunog ng basura o kahoy maging ang mga paputok na ginamit sa pagdiriwang ng Bagong Taon, at iba pa.
Kung malalanghap ito ay maaaring mapalala ang asthma ng isang tao at nagiging sanhi rin ito upang magkaroon ng problema sa paghinga, lung cancer, at sakit sa puso.