AirAsia, nagbabala laban sa mga scammer na nagbebenta ng murang air ticket ngayong Pasko

AirAsia, nagbabala laban sa mga scammer na nagbebenta ng murang air ticket ngayong Pasko

MARAMING Pilipino ang gustong umuwi sa kanilang mga probinsya at magbakasyon ngayong papalapit na ang holiday season, kaya naman naging target ng mga scammer ang pagbebenta ng mga pekeng murang tiket.

Binabalaan ni AirAsia CEO at President Ricky Isla ang publiko na mag-ingat sa mga “too-good-to-be-true” na mga deal o tiket na sobrang mura.

“Unang-una po sa lahat, mag-ingat kayo dahil marami pong mga tawag ang natatanggap ng AirAsia, at hindi na raw po sila nababalikan ng mga scammer na iyon. Ang gawin po natin ay huwag po tayong madala. Suggestion po namin ay huwag po sa social media, dahil bukas na merkado po iyan,” ayon kay Ricky Isla – CEO/President, AirAsia Philippines.

Para maiwasan ang mga scammer, inirerekomenda ng AirAsia Philippines ang mga sumusunod:

  • Mag-book lamang sa mga opisyal na channel: Gamitin ang opisyal na website ng AirAsia (www.airasia.com), ang AirAsia Move App, o ang mga awtorisadong travel agent.
  • Mag-ingat sa mga unrealistic offers: Maging maingat sa mga deal o promosyon na masyadong mura kumpara sa regular na presyo ng tiket.
  • I-verify ang mga agent at partners: Tiyaking lehitimo ang mga third-party booking agent o travel agency.
  • Maging maingat sa mga murang package tours na ina-advertise sa Facebook groups o iba pang platform. Madalas mangolekta ng down payment ang mga scammer nang hindi nagbibigay ng serbisyo.
  • Protektahan ang inyong personal information.

Pinaalalahanan din ni Isla ang publiko na gamitin ang opisyal na App ng AirAsia para sa ligtas na pag-book.

“Ang AirAsia Move po ay lehitimong, masasabi kong marketplace iyan ng ating AirAsia. Iyan po ang tinatawag nating app na makakabook kayo ng inyong airline tickets, hotels, rides, at marami pang iba,” saad nito.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter