Aktuwal na pagsuko ng NPA, nakuhaan ng video

Aktuwal na pagsuko ng NPA, nakuhaan ng video

TILA naging mapait ang anibersaryo ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Development Front (CPP-NPA-NDF) kahapon dahil sa sunod-sunod na pagsuko sa pamahalaan ng kanilang mga miyembro.

Nakunan pa ng video ang aktwal na pagbabalik-loob ng mga rebeldeng NPA.

Ito na ata ang pinakamasaklap na anibersaryo ng CPP-NPA-NDF dahil sa walang humpay na pagsuko ng mga kanilang miyembro sa gobyerno.

Makikita sa footage na mula sa kasundaluhan ang aktwal na pagsuko ng isang rebeldeng NPA.

Bagama’t susuko man ang nasabing rebelde ay doble ingat pa rin ang mga sundalo kung saan ang isa ay nakapwesto sa gilid ng damuhan na may hawak na M16 rifle bilang cover kung sakaling mag-iba ang ihip ng hangin  sa mangyayaring pagsuko.

Kitang-kita rin sa video kung gaano kasukal ang lugar kung saan makikipagkita ang NPA sa mga militar.

Nang magkita ay tila nag-aalinlangan pa ang NPA na bumaba para lapitan ang sundalo na nakasuot ng sibilyan.

Nang maglapit ang NPA at sundalo ay agad na kinamayan, inakbayan at pinasalamatan ng sundalo ang NPA.

Kung makikita lamang ang mukha ng NPA ay tila maluha-luha ito at di alam ang kaniyang pakiramdam.

Ramdam din ang kaba ng nagbi-video sa nangyayaring pagsuko ng rebelde.

Kinalaunan ay may tinatawag pa ang NPA na kaniyang kasamahan na susuko rin.

Ilan lamang ito sa libu-libong mga rebelde na sumusuko ngayon sa gobyerno.

Tila bangungot para sa CPP-NPA-NDF ang walang humpay na pagsuko ng kanilang miyembro.

Kahapon din ay iniulat na mayroong siyam na NPA at tatlumpung matataas na kalibre ng baril ang isinuko ng mga ito sa Samar Peace Panel.

Ayon sa Provincial Task Force to End Local Communist Armed Conflict (Samar PTF-ELCAC) at Local Peace Engagement Team or Local Peace Panel (LPP), ang walang humpay na operasyon at programa ng gobyerno ang naging daan para mag balik-loob sa gobyerno ang mga biktima ng ideolohiya ng CPP-NPA-NDF.

Kasabay sa anibersaryo ng CPP-NPA-NDF ay ang magandang balita na pagsuko ni Freddie Bolito alyas Dori, isang Organizational Department Secretary, at Second in Command in the Guerilla Front Damol.

Bitbit din ng nasabing grupo  ang tatlumpung matataas na kalibre ng baril at iba pang war materials.

Samantala, nitong nakaraang linggo ay tatlong kasapi rin ng NPA ang nasawi sa engkwentro sa pagitan ng rebeldeng grupo at militar sa Maragusan, Davao de Oro.

Sa isang liblib na lugar naman sa Albay Province ay dalawa ang nadakip at isa ang patay sa naganap na palitan ng putok ng militar at mga NPA na tumagal ng halos dalawampung minuto nito lamang nakaraang linggo.

Kung pagsama-samahin ang kabuuang bilang ng mga nagbalik-loob ay aabot na ito sa dalawampu’t tatlong libo na nakikipag tulungan na ngayon sa gobyerno.

Dahil sa EO 70 ng Pangulo sa Whole-of-Nation Approach ay naging matagumpay ang laban ng bansa kontra insurhensiya.

Follow SMNI News on Twitter