TAHASANG itinanggi ng negosyanteng si Mario Marcos ang mga akusasyon na ginagamit nito ang pangalan Pangulong Bongbong Marcos Jr., para makapanloko ng tao.
Ito ay kasunod ng pagsasampa ng reklamong syndicated estafa nang dalawang complainant sa Department og Justice (DOJ) kamakailan laban Kay Mario Marcos.
Sa salaysay ng mga complainant na sina Jennylei Caberte at Phebe Dy sa pamamagitan ng kanilang abogado, nagpakilala daw si Mario Marcos bilang second cousin ni Pangulong Marcos para sila ay mahikayat na mag-invest sa infra projects ng negosyante.
Pero buwelta ni Marcos, si Caberte ang nag-udyok na gamitin niya ang kaniyang apelyedong Marcos para sa kaniyang negosyo.
‘‘Si Miss Jennie po ang nagturo sa akin sa media. Nasa conference kami na ayaw kong sagutin. Sabi niya you have to ride. Nandiyan na ang Presidente, kailangan mong aminin at sabihin na kamag-anak mo ang Presidente. Sa kaniya po yan nanggaling. Mayroon po akong witnesses po,’’ saad pa ni Mario Marcos.
Ayon Kay Mario Marcos, mayroon siyang sasariling kakayahan at talento para makilala bilang businessman na hindi gumagamit ng pangalan ng Presidente.
Hindi rin totoong binibigyan niya nang golden medallion na may mukha ni Presidente Marcos ang mga taong naloloko niya.
Itinaggi din nito ang akusasyon na tumalbog ang mga tsekeng ibinayad niya kay Caberte bilang PR Consultant nito.
Ang totoo raw niyan ay itong si Caberte ang hindi nagbibigay ng resibo sa mga paunang bayad niya sa mga PR events niya na hinawakan nito.
Dagdag pa nito siya ang unang nakapagsampa ng reklamo laban kay Caberte, Phebe Dy at isang alyas Maria at dahil sa mga panloloko ng mga ito.
Giit ni Mario Marcos trial by publicity ang ginagawa ng mga complainant.
‘‘Itong ginagawa niya sakin (Caberte) talagang pinatunayan niya ang mga threat niya sa akin noon na kaya kitang pabagsakin, na kaya kitang pasikatin,’’ ayon kay Mario Marcos.
Kinumpirma naman nito na narito siya sa bansa at mayroon banta sa kaniyang buhay.
Ayon Kay Mario Marcos, sasagutin nila sa proper forum ang mga reklamong isinampa sa kaniya sa DOJ sa oras na natanggap na nila ang formal complaint.
Mayroon akong legal team na maghahandle ng mga kasinungalingan na sinampa nila sa DOJ at kilala ko na parehas, matalino, at mapagsiyasat at magaling ang ating DOJ secretary at lalabas ang katotohanan.