TINUTUGIS ng mga awtoridad ang isang local terrorist group na pinaniniwalaang nasa likod ng pagsabog ng bus sa Aleosan, Cotabato.
Matapos ang pangangalap ng mga ebidensya kabilang ang CCTV footage ng bus na sumabog gamit ang isang improvised explosive device sa Cotabato, agad na iniutos ng Philippine National Police (PNP) ang pagtugis sa isang local terrorist group.
Matatandaang isang bata ang nasawi at anim na iba pa ang nasugatan sa insidente sa bayan ng Aleosan, Martes ng umaga, Enero 11.
Mga biktima sa pagsabog ng bus sa Aleosan na nagtamo ng sugat ay sina:
Haron Solaiman – 24 years old
Masid Piang – 25 years old
Yushira Solaiman – 3 years old
Rodolfo Castillo – 67 years old
Haira Solaiman – 5 months old, at
Lester Bautista Alcare – 17 years old
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Bernard Tayong, tagapagsalita ng Cotabato Police, may mga ebidensyang nagpapakita na ang pagsabog ay gawa ng “Al-Khobar,” isang extortion group na bumibiktima sa multi-national companies sa Maguindanao at Cotabato.
Maging ang estilo ng pag-atake at ang ginamit na pampasabog ay nagpakita ng ilang “signature” ng grupo.
Maliban dito, ang Al-Khobar din ang sinisisi sa serye ng pambobomba sa mga bus sa SOCCSKSARGEN sa mga nakalipas na taon.
Nauna nang kinondena ni PNP Chief Police General Dionardo Carlos ang insidente na ikinasawi ng mga inosenteng buhay.
Ayon sa PRO12, itinuturing na “heinous terrorist attack” sa sibilyan ang nangyaring pagpapasabog sa lugar.