HUMIHILING ng higit P160-M para sa evacuees sa loob ng 90-araw ang Albay.
Humihiling ang Albay Provincial Government ng karagdagang pondo upang matugunan ang pangangailangan ng mga residente sa mga evacuation center.
Tiniyak naman ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang pagbibigay ng suportang pinansiyal ng gobyerno sa mga naapektuhang residente ng pag-aalboroto ng Bulkang Mayon.
Sa projection ng Department of Science and Technology – Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-PHIVOLCS) posibleng abutin kasi ng 15 araw o 3 buwan ang hihintayin bago pumutok o tumahimik ang bulkan.
Pero nasa 30% o higit P42-M lang ang quick respond fund ng Albay Provincial Government sa loob ng 2023 na sasapat para sa 40 araw na tulong sa evacuee.
Hindi aniya ito sapat lalo na hindi inaalis ang posibilidad na itaas sa Alert Level 4 ang Bulkang Mayon.
Sa oras itaas ito sa Alert Level 4, aabot sa higit 33,000 indibidwal o halos 9,000 pamilya ang madadagdag na mananatili sa mga evacuation center.
Aabot sa higit P166-M ang kinakailangang dagdag na pondo sa probinsiya na tutugon para sa loob ng 90 araw.
Dahil dito, sinabi ng Pangulo na dapat nang pumasok ang national government at tiyakin ang suporta ng gobyerno sa mga evacuee.
“Let us be prepared to take as much of the load as soon as possible off of the local government units (LGUs) para naman mayroon silang—malay natin magkabagyo pa, may mangyari pa, para mayroon silang reserba pa. Hindi natin uubusin ‘yung kanilang quick response fund, number one…,” ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marocs, Jr.
Sa datos mula sa Office of Civil Defense (OCD) aabot sa 4,400 pamilya o 15,676 indibidwal ang nailikas mula sa Camalig, Ligao City, Daraga, Guinobatan, Malilipot, Santo Domingo, at Tabaco City.
Mula sa naturang bilang, 4,215 pamilya o 15,017 indibidwal ang nananatili ngayon sa 22 evacuation centers.
Habang nasa 185 pamilya o 659 indibidwal ang nakitira sa kanilang mga kamag-anak.
Samantala, personal din na hinatid ni Department of National Defense (DND) Sec. Gibo Teodoro kasama si Office of the Civil Defense Administrator Ariel Nepumuceno ang 3 water filtration upang maging malinis ang iniinom na tubig ng mga evacuee.
Ang Department of Education (DepEd) ay gumagawa ng kapamaraanan upang makapagdaos pa rin ng klase ang mga bata na nasa evacuation centers.
Nakahanda rin ang Department of Health (DOH) na umasiste sa mga magkakasakit na mga bata o matatanda sa loob ng site.
Ang Department of Agriculture (DA) naman ay mahigpit na binabantayan ang mga inilikas na hayop o poultry at livestock, upang makaiwas sa pagkalat ng anomang sakit, tulad ng avian flu at African swine fever.
Nagbigay naman ng P50-M ayuda sa mga apektadong LGU ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program.
Sa kabuuan, kontento si Pangulong Marcos sa ginagawang tugon ng national at local government kaugnay ng pag-aalboroto ng Bulkang Mayon.