INALERTO na ng Albay Provincial Government ang mga residente na naninirahan sa 7km hanggang 8km extended danger zone na kailangang maging handa sakaling kailangang ilikas.
Kasunod ito sa abiso ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na posibleng sa anumang oras ay itataas na sa Alert Level 4 ang Bulkang Mayon.
Ito ay matapos ang naitalang lava flow activity mula sa summit ng crater ng bulkan, kung saan nakapagtala rin ng effusive eruption.
Pero, paglilinaw ng PHIVOLCS, hindi pa rin ito sapat na basehan upang iakyat na sa Alert Level 4 ang alerto ng bulkan, lalo’t mayroon pang mga parameters ang kailangan munang maabot bago itaas ang alerto nito.
Sa kasalukuyan, nakataas pa rin sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon simula Hunyo 8.