Alegasyon ni Kerwin Espinosa laban sa pulisya, handang imbestigahan ng PNP

Alegasyon ni Kerwin Espinosa laban sa pulisya, handang imbestigahan ng PNP

NAKAHANDANG gumawa ng sariling imbestigasyon ang Philippine National Police (PNP) sa alegasyon laban sa pulisya ng self-confessed drug lord na si Kerwin Espinosa, sa ngalan ng hustisya.

Ito ang inihayag ni PNP Public Information Office Chief Police Brigadier General Roderick Alba matapos bawiin ni Espinosa ang lahat ng alegasyon niya laban sa nakakulong na si Senador Leila De Lima sa isinumite niyang counter-affidavit sa Department of Justice (DOJ).

Sa naturang counter-affidavit, sinabi ni Espinosa na siya ay ginipit, pinilit, tinakot at pinagbantaan ng pulisya para idawit si De Lima sa iligal na droga.

Ayon kay Alba, hindi pa sila nakatatanggap ng kopya ng counter-affidavit ni Espinosa.

Nananatili aniyang nakatuon ang PNP na hanapin ang katotohanan sa bawat kaso na hinahawakan nila.

Ngunit ang kaso ni Epinosa ay nasa hurisdiksyon na ng korte at mabuting hayaan na gumulong ang sistema ng hustisya.

Follow SMNI NEWS in Twitter