Alert level 2 ng bulkang Taal walang paglikas na kinakailangan. Nilinaw ng lokal na pamahalaan ng Tagaytay na walang paglikas na kinakailangan para sa kanilang mga residente matapos itaas sa alert level 2 ang status ng bulkang Taal.
Ayon kay Mayor Agnes Tolentino, sakaling sumabog ang bulkan ay dapat lamang manatili sa loob ng kanilang tahanan at isara ang mga bintana at anumang maaring pasukan ng hangin at alikabok.
Sakali naman aniyang umakyat sa alert leverl 3 ang kondisyon ng bulkan at kailangan ilikas ang mga mamamayan mula sa mga lugar sa Batangas, ang mga evacuee ay hindi maaring tanggapin ng mga kamag-anak na nasa Tagaytay.
Sinabi ni tolentino na ang evacuees ay dapat dalhin sa mga naitakdang drop off areas upang maisailalim ang mga ito sa Covid-19 testing, makuhanan ng mga impormasyon at maisaasyos an paglilipat sa kanila sa mga naitakdang evacuation centers sa iba’t ibang bayan ng Cavite.
Pinaghahanda rin ng alkalde ang mga punong barangay at iba pang opisyal sa sakaling pagdating ng mga evacuees mula sa ibang mga bayan mula sa Batangas.
Pinayuhan din ng Tagaytay LGU ang lahat na manatiling kalmado at handa para sa anumang kaganapan.