INANUNSYO ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mananatili pa sa Alert Level 4 ang bansang Myanmar.
Kasunod ito sa kahilingan ng nakararami na ibaba o alisin ang Alert Level 4.
Matatandaan itinaas sa alert level ang naturang bansa dahil sa patuloy ang paglala ng karahasan ng armadong labanan mula noong Pebrero 2021.
Sa ilalim ng Alert Level 4, pinapayuhan ang mga Pilipinong nasa Myanmar na iwasan ang magpunta sa matatao o pampublikong lugar, at maghanda para sa paglikas.
Binigyang-diin ng DFA na mananatili sa Alert Level 4 ang Myanmar dahil ang kaligtasan at seguridad ng bawat Pilipino sa ibayong dagat ay nananatiling pangunahing prayoridad ng gobyerno ng Pilipinas.
Upang maprotektahan ang buhay ng mga kapwa Pilipino sa ibang bansa, ang Alert Level 4 ay mananatili sa Myanmar hanggang sa susunod na abiso.
Mula noong Pebrero 2021, pinauwi na ng pamahalaan ng Pilipinas ang kabuuang 701 Filipino mula sa Myanmar o katumbas ng humigit-kumulang 60% ng kabuuang bilang ng mga overseas Filipinos sa bansa.
Sa kabila nito ayon sa DFA, kinikilala pa rin ng kagawaran ang mga alalahanin ng mga OFW na nagnanais na bumalik sa Myanmar kahit pa ito ay nasa kawalan ng katiyakan at panganib na dulot ng patuloy na krisis doon.
Ang mga Pilipino sa Myanmar na nangangailangan ng tulong ay maaaring makipag-ugnayan sa Philippine Embassy sa Yangon, Myanmar sa pamamagitan ng email ([email protected]), telephone (+959985210991 /+959250765938) or Facebook (@PHinMyanmar).