Alice Guo, kinasuhan na rin ng COMELEC ng material misrepresentation

Alice Guo, kinasuhan na rin ng COMELEC ng material misrepresentation

MALIBAN sa qualified trafficking, nahaharap na rin sa kasong paglabag sa Omnibus Election Code si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Ito ay matapos siyang sampahan ng Commission on Elections (COMELEC) ng kasong Material Misrepresentation sa Tarlac RTC ngayong araw ng Martes.

Lumalabas kasi sa imbestigasyon ng komisyon na nagsinungaling si Guo nang sabihin nitong isa siyang Pilipino nang maghain ito ng kandidatura noong 2022 para sa pagka-Mayor gayong isa naman itong Chinese citizen.

COMELEC, pag-uusapan kung ibababa sa 15% ang shading threshold sa balota para sa 2025 midterm elections

Tinitingnan naman ng COMELEC ang mungkahing mapababa ang shading threshold sa balota para sa 2025 elections.

Iminungkahi umano ng Project Management Office na maibaba pa ito sa 15 percent.

Ito ay mas malaki pa sa tuldok ayon kay COMELEC Chair Atty. George Garcia.

Noong 2010, naipatupad ang 20 percent na shading threshold na siyang pinakamababa sa record ng komisyon.

Noong 2022, naipatupad ang 25 percent na shading threshold.

“Hindi pa naman talaga approve ‘yong 15 percent but this is the first time na ganun kebaba ang threshold,” pahayag ni Atty. George Garcia, Chairman, COMELEC.

Bukas ay isa ito sa pag-uusapan ng COMELEC en banc.

COMELEC, nagsagawa ng end-to-end test para sa proseso ng halalan

Sa kabila nito, hinimok pa rin ng COMELEC Chief ang mga botante na i-shade o bilugan ang buong oval sa balota para sa pagboto.

Magsasagawa umano ang komisyon ng voter education para sila ay maturuan ng tamang pagshe-shade ng balota.

Mas mainam din umano na ang mga kandidato ang mangunguna sa pagtuturo sa botante.

Wala namang nakikitang problema ang election watchdog na NAMFREL sakalit babaan pa ng COMELEC ang shading threshold sa 15 percent.

Nagsagawa naman ngayon ang COMELEC ng end-to-end test para masuri ang buong proseso ng eleksiyon para sa susunod na taon.

Ito ay para makita kung may problema at matukoy ang mga bagay na dapat pang ayusin at tugunan upang matiyak ang mapagkakatiwalaang proseso at resulta ng halalan.

Kabilang sa mga sinuri ay ang aktuwal na pagboto gamit ang automated counting machines na mula sa MIRU at ang unang online voting para sa mga nasa ibang bansa maging  ang transmission ng mga boto na ang mga kopya ay matatanggap ng mga partner organization ng komisyon tulad ng PPCRV at NAMFREL gayundin ng mga dominant majority at minority parties.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble