IKINUWENTO ni Mayor Neil M. Magaway ng bayan ng Dupax del Sur, Nueva Vizcaya, na paborito niyang puntahan ang Davao.
Nang makita aniya nito ang lungsod, sinabi niya sa kaniyang sarili na kailangan ng bansa ng isang Pangulo na matigas at matapang. Kaya naman, buo ang suporta na ibinigay niya kay dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Nakita niya ang kagandahan at kaayusan ng lugar, dahil kahit madaling araw, maaari kang gumala at kumain nang ligtas. Aniya, “Paborito niyang kumain sa Luz Kinilaw Inihaw Place sa Lungsod.”
Sa laban umano ngayon ni Vice President ‘Inday’ Sara Duterte, ibibigay rin niya ang kaniyang suporta, kahit na tumakbo pa ito sa pagka-pangulo.
“Kahit lalaban pa ‘yan para sa pagka-presidente, kay VP pa rin ako,” pahayag ni Mayor Neil M. Magaway, Dupax del Sur, Nueva Vizcaya.
Nagpasalamat si Mayor Magaway dahil kahit gaano kalayo at kaliblib ang kanilang lugar sa Ganao, pinuntahan ito ng VP Sara upang dalawin ang mga nagsipagtapos ng high school.
Binigyang-diin ni Magway na walang patutunguhan ang kasong impeachment na isinampa laban sa pangalawang pangulo.
“Maraming nagmamahal sa mga Duterte, maraming nagmamahal sa pangalawang pangulo,” giit ni Magaway.
Tinuligsa rin niya ang demolition job na ginagawa ngayon laban kay VP Sara dahil magdudulot lamang aniya ito ng kaguluhan kung hindi matigil.
Paliwanag niya, sa isyu ng Confidential funds ng OVP kaya ito tinatawag na confidential funds dahil confidential nga, kaya hindi dadaan sa liquidation.
Naniniwala siyang hindi tama ang ginagawa ng mga kongresista na imbes na ang kanilang trabaho ay maging tagagawa ng mga batas, ay naging imbestigador ang mga ito. Maaaring ang nalalapit na eleksiyon aniya ang dahilan kung bakit sila gumagawa ng mga isyu.
Iginiit niyang dapat magbigayan at magbati na sina Pangulong Bongbong Marcos at VP Sara dahil silang dalawa ang pinakamataas na opisyal ng bansa.
Binigyang-diin ng ama ng Dupax del Sur na maghihiwalay ang taumbayan dahil sa ginagawang panggigipit sa pangalawang pangulo ng Pilipinas.