HINDI na umano nakakatuwa ang sobra-sobrang imported na bigas na inaangkat ng ating bansa.
‘Yan mismo ang sinabi ng Federation of Free Farmers (FFF) matapos iulat ng Department of Agriculture (DA) na hindi pa man nangangalahati ang buwan ng Disyembre ay nakapag-angkat na ang bansa ng record high na 4.5 million metric tons ng bigas.
Paliwanag ng DA, napapanahon naman ang pag-aangkat ng bigas dahil sa iba’t ibang hamong kinaharap sa sektor ng agrikultura.
“’Yun ay tama lang dahil nakaranas tayo ng maraming problema this year sabi nga ni Secretary di ba na this is one of the most depressing year for agriculture because of so many calamities,” wika ni Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.
Dahil diyan, imposible aniya talagang maabot muli ang higit 20 milyong metriko tonelada ng palay.
Batay sa pagtataya, bababa ito sa 19.3 million metric tons hanggang sa katapusan ng taon.
Oras nga aniya na mangyari ito ay posibleng umabot pa ng 4.7 milyong metriko tonelada ang angkat na bigas.
Pag nagkataon, ito na ang ‘all-time record high’ sa importasyon ng bigas.
Agri group: Nakakahiya ang sobra-sobrang pag-aangkat ng bigas ng Pilipinas
Para naman sa grupong FFF, nakakadismaya ito para sa bansa at hindi maituturing na magandang balita.
Sobra-sobra na anila kasi ang nasabing halaga at kawawang-kawawa na ang mga magsasaka kapag naabot pa ‘yun.
“Pero, sobra sobra na po ‘yung 4.48 sobra na ang importasyon natin this year kung ico-compare natin sa same period last year. Sumusobra po ng 1 million metric tons sobra na.”
“So, biro mo sa sobrang laki ng dollares na lumalabas sa ating bansa para lamang masuportahan natin ‘yung produkto ng imported rice ng mga dayuhang magsasaka,” ayon kay Leonardo Montemayor, Chairman, FFF.
Outstanding performer ang bansa pero hindi sa magandang paraan sabi ng Federation of Free Farmers.
“Ay ewan, in the first place magiging parang outstanding performer po tayo sa pag-angkat ng bigas. ‘Yun lang po ang nakita ko na masasabi—hindi ko o hindi natin puwedeng ipagmayabang ‘yun dapat nga po ay ma-embarrassed tayong lahat eh,” ani Montemayor.