TINIYAK ni Iloilo 1st District Representative at House Deputy Majority Leader Janette Garin na patuloy na matatanggap ng healthcare workers ang kanilang COVID allowance.
Itoy’ kahit paso na ang implementasyon ng state of calamity sa bansa nitong December 31, 2022.
Ayon kay Garin na nagsilbi dati bilang Health Secretary, tiniyak ni Pangulong Bongbong Marcos na patuloy na matatanggap ng HCWs ang kanilang COVID risk allowances na tinatanggap nila buhat nang tumama ang pandemya.
Patunay aniya ito na hindi na kailangang palawigin ang state of calamity para makapagbigay ng tamang compensasyon sa HCWs.
“We don’t need a state of calamity to be able to give HCWs allowances. We recognize the immense sacrifice and selflessness that our health workers continue to pour out throughout these trying times,” ani Garin.
P3,000 pa rin ang matatanggap na COVID health risk allowance para sa mga na-deploy sa “low risk” areas, P6,000 para sa “medium risk” areas; at P9,000 para sa high risk” areas.
Batay sa pinakahuling tala nitong December 2022, nasa 1.6 million na healthcare workers ang nakinabang sa dagdag kompensasyon.