Alok ni Sen. Go kay Pangulong Duterte na maging kanyang legal consultant, tinanggap na

Alok ni Sen. Go kay Pangulong Duterte na maging kanyang legal consultant, tinanggap na

TINANGGAP na ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang alok ni Senator Christopher Bong Go na maging kanyang legal consultant pagkatapos ng termino nito.

Sinabi ni Senator Go na malaki ang tiwala nito kay Pangulong Duterte bilang maging consultant nito matapos tanggapin ng Chief Executive ang naturang alok.

Ito ay lalo’t matagal na aniya itong kilala si Pangulong Duterte simula pa noong nagsilbi ito bilang personal aide ng Punong-Ehekutibo.

Saysay pa ni Go, dati rati pa ay nagbibigay na ng payo ang Pangulo kung saan isa sa palaging sinasabi nito at tumatak sa isip ng senador ang payo na dapat mahalin nito ang mga Pilipino.

Tiiniyak naman ni Go na patuloy nitong mamahalin ang bansa at ang kapwa Pilipino.

Ibinahagi naman ng senador ang magiging papel ng isang legal consultant.

Ang pahayag ni Go ay kasabay ng pamimigay niya ng tulong pinansyal at pangkabuhayan sa mga mahihirap na residente sa 2 barangay ng Lupon, Davao Oriental.

Kaugnay nito,  nagkaloob din si Go ng grocery packs, vitamins, pagkain at masks habang ang ilan sa mga ito ay nakatanggap ng sapatos, bisikleta at computer tablets.

Bilang Chair ng Senate Committee on Health, muling ipinaalala ng senador sa mga kapwa Davaoeños na lumapit lang sa Malasakit Center na nasa Southern Philippines Medical Center (SPMC) kung kailangan ng mga ito ng tulong medikal.

Una rito, inihayag ng Malakanyang na hindi na ito masosorpresa kung pumayag man si Pangulong Duterte na maging legal adviser ni Senator Go.

Sinabi ni acting Presidential Spokesperson Secretary Martin Andanar na matagal na silang magkakilala at naging mentor na rin ng senador ang Pangulo simula nang maupo sa posisyon.

“But again, as one of the closest friends ni President si Sen. Bong Go, siyempre mentor siya ni Sen. Bong Go, I wouldn’t be surprised kung if he will be amenable to become the legal adviser of the Senator,” pahayag ni Andanar.

Sa kabilang banda, inilahad ni Andanar na wala pang final guidelines para sa coverage sa nakatakdang inagurasyon ni President-elect Bongbong Marcos.

Samantala, walang ideya ang Palasyo kung nagkausap ba sina Pangulong Duterte at incoming President Bongbong Marcos sa ginanap na inagurasyon ni Vice President-elect Sara Duterte.

Follow SMNI News on Twitter