PATULOY na inusisa sa Senado ang kontrobersiyal na PDEA leaks o ang mga dokumento na nagdidiin kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang isang drug user sa taong 2012.
Sa pagdinig lumutang si Eric Santiago o alias Pikoy ng National Police Commission (NAPOLCOM), ang kausap ni Romeo Enriquez sa telepono na nangungumbinse kay dating PDEA agent Jonathan Morales na ‘wag nang lumantad sa imbestigasyon sa Senado. Ang usapan ay nakunan sa CCTV.
Si Santiago ay pinatawag sa Senado para bigyang-linaw kung gaano katotoo ang kanilang usapan sa cellphone kung saan nabanggit ang isang James Kumar at First Lady Araneta-Marcos.
Ayon kay Santiago, kathang-isip lang ang kaniyang mga binanggit na pangalan sa tawag kay Enriquez.
“Sandali, kathang-isip ang lahat ng sinasabi mo doon. Kinakathang isip mo itong si,” ayon kay Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa, Chair, Committee on Public order and Dangerous Drugs.
“Kaya nga po humihingi kami ng tawad sa kanya eh,” tugon ni Eric “Pikoy” Santiago, NAPOLCOM.
“Wow ‘di naman kami grade one dito. Mga senador kami. Ibig mong sabihin binobola mo lang sya para mabola kami para imbitahin ka dito, para makapaagsalita ka nang something againts kay Morales,” ayon pa kay Sen. Bato.
Giit ni Santiago sa komite sa Senado na Ginamit lamang aniya ang pangalan ni First Lady Liza Araneta-Marcos (LAM) at James Kumar para pasakayin si Enriquez at Morales sa usapan.
“Santiago kung nambobola ka bakit mo idadamay ang pangalan ni LAM?” tanong ni Sen. Bato.
“Sir para makatotohanan ang storya. kasi hindi ko po pwedeng bolahin si Romy kung hindi ako magbabanggit ng mga key words na mag ring sa utak nila sir,” saad ni Pikoy.
Sa huli ay hiniling ni Santiago na magpresenta sa pagdinig ng ilang dokumento na may kinalaman kay Morales.
Pero duda naman si Sen Bato sa intensiyon ni Santiago kung kaya’t pinasusumite muna sa komite ang dokumento para ma review kung mahalaga ba ito sa pagdinig.
Sa kabila ng masalimuot na pagdinig ng Senado kaugnay sa PDEA leaks ay sinabi ni Sen. Dela Rosa na magkakaroon ng isa pang pagdinig ang kaniyang komite para patuloy itong imbestigahan.