BINISITA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang mga miyembro ng Filipino community na nagtipon sa San Francisco, California nitong Nobyembre 14, 2023. (CA, USA time).
Kasalukuyang nasa San Francisco, California si Pangulong Marcos para sa APEC Economic Leaders’ Meeting.
Bago ang APEC proper, nakipagpulong si Pangulong Marcos sa Filipino community sa San Francisco Conference Center kung saan inilahad niya ang pagsisikap ng gobyerno na iangat ang buhay at tiyakin ang kapakanan ng mga Pilipino, kabilang ang mga nagtatrabaho sa ibang bansa.
Bukod pa rito, kaniyang binigyang-diin ang aktibong partisipasyon ng Pilipinas sa APEC na inaasahang makapagbibigay ng mga kasunduang magbubunga ng kaunlaran sa ekonomiya para sa mga Pilipino.
“Since its inception in 1989, the Philippines has been an active participant in the Asia-Pacific Economic Cooperation or APEC, because we believe that a more integrated and inclusive Asia-Pacific region will bring about economic prosperity for our people,” pahayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Ipinahayag din ni Pangulong Marcos, Jr. ang kaniyang pasasalamat at pagmamalaki sa tagumpay ng mga Pilipino sa Estados Unidos na siyang nakapagbuo ng positibong imahe ng Pilipinas at ng mga Pinoy sa nasabing bansa.
Sa panahon ng pandemya, ani Pangulong Marcos, naranasan mismo ng mga Amerikano ang paraan ng pag-aalaga at pagkilos ng mga Pilipinong nars at mga doktor.
“One in every five nurses here in the West Coast are trained in the Philippines. Our Filipino nurses, our doctors, our first responders, essential workers have all demonstrated the timeless Filipino virtues of malasakit, pakikipagkapwa, at ang bayanihan,” dagdag nito.
Punuri ni Pangulong Marcos, Jr. ang pagsusumikap ng mga overseas Filipino sa US at malaking ambag nito sa Philippine economy.
Aniya, noong 2022, ang mga manggagawa, mga health worker, ay nag-inject ng USD 14.89 bilyon sa ekonomiya ng Pilipinas sa mga cash remittance.
“Pagka nagkakaroon ng financial crisis na ganyang klase noong nangyari ng ilang taon, ay umaasa ang Pilipinas sa mga padala ng ating mga OFW. At kayo ang bumubuhay sa ekonomiya ng Pilipinas kapag tayo’y naghihirap,” dagdag pa ng Pangulo.
Kinilala rin ni Pangulong Marcos, Jr. ang mga Filipino na nanalo ng statewide elective positions sa US.
Binanggit din ng Punong Ehekutibo si Sarina Bolden ng Bay Area, na gumawa ng kasaysayan sa 2023 FIFA Women’s World Cup bilang kauna-unahang goal scorer ng Pilipinas sa isang Soccer World Cup.
Pinuri din ng Pangulo ang tumataas na bilang ng mga Pilipinong Amerikano sa Bay Area at Silicon Valley na ngayon ay aktibong katuwang sa pag-unlad ng Pilipinas at nation-building.
“On the sidelines of the APEC meetings, my delegation will conduct business meetings in San Francisco to seek mutually beneficial exchanges and partnerships. Our presence in the Bay Area this week also supports the development of Philippine innovation ecosystem, in line with the National Innovation Agenda Framework,” aniya.
Isinasaalang-alang ang San Francisco bilang isang mahalagang lungsod dahil sa makabuluhang populasyon ng mga Pilipino.
Noong 1974, bumili ang gobyerno ng Pilipinas ng isang set ng mga gusali sa Union Square sa downtown area, na ngayon ay kilala bilang Philippine Center sa San Francisco.
Mayroon na ngayong mahigit apat na milyong Pilipino at Filipino Americans sa US, kung saan 1.3 milyon ang naninirahan sa 10 estado sa ilalim ng hurisdiksyon ng Philippine Consulate General sa San Francisco.
Mula sa bilang na ito, nasa 700,000 Pilipino ang naninirahan at nagtatrabaho sa Bay Area.
Samantala, nagpaabot din ng pasasalamat si Pangulong Marcos, Jr. sa suportang binigay ng mga Pilipinong nasa US noong nakaraang halalan. Aniya, nagpapakita lamang ito na ang hangarin na ipagkaisa ang madlang Pilipino ay nagiging totoo.
“I am very grateful for the, again, I will thank you for the overwhelming vote of confidence that you gave me and Vice President Inday Sara Duterte in the last election. You delivered the Marcos-Duterte tandem while setting the highest voter turnout in absolute numbers in the entire America’s region,” ani Pangulong Marcos.