Ambassador ng Pilipinas, ipinatawag ng China; Pagbati ni PBBM sa bagong halal na Taiwanese president, ‘di nagustuhan

Ambassador ng Pilipinas, ipinatawag ng China; Pagbati ni PBBM sa bagong halal na Taiwanese president, ‘di nagustuhan

IPINATAWAG ng People’s Republic of China ang ambassador ng Pilipinas sa China na si Jaime FlorCruz kasunod ng pagbati ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa bagong halal na presidente ng Taiwan na si Lai Ching-te.

Ayon kay Mao Ning, tagapagsalita ng Chinese Foreign Ministry, isang paglabag ang ginawang pagbati ni Pangulong Marcos sa One China Principle maging sa political commitment na ginawa ng Pilipinas sa China.

Dahil dito, ipinatawag ni Mao Ning ang ambassador ng Pilipinas sa China para magpaliwanag.

Iminungkahi rin ng Chinese official kay Pangulong Marcos na alamin ang isyu sa pagitan ng China at Taiwan.

Pero paliwanag naman ng Department of Foreign Affairs (DFA), ang pagbati ni Pangulong Marcos sa tagumpay ng bagong Taiwanese president ay bilang pagpapasalamat dito sa pagtanggap at pangangalaga sa halos 200 libong overseas Filipino workers (OFWs) na nagtatrabaho sa Taiwan.

At nilinaw na nanatiling kinikilala ng Pilipinas ang One China Policy.

Matatandaan na si Taiwanese President-elect Lai Ching-te ay tutol sa ipinatupad na One China Policy at itinuring ito ng China na banta sa seguridad ng kanilang bansa.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble