KINUMPIRMA ngayong umaga ni Navotas Mayor Toby Tiangco na may isa pang nasawi sa nangyaring ammonia leak sa isang ice plant kagabi.
Kinilala ang nasawi na si Joselito Jazareno, 54-taong gulang, residente ng Malabon at electrician ng kompanya.
Sa inisyal na imbestigasyon, natagpuan ang biktima malapit sa lugar ng sumabog na surge tank.
Sa tala kaninang alas singko ng umaga, umabot na sa 96 ang dinala sa ospital kabilang na ang unang naiulat na nasawi na si Gilbert Tiangco.
Aakuin naman ng kompanya ang lahat ng medical expenses ng mga pamilyang apektado ng ammonia leak.
Kasalukuyang nakasara ngayon ang ice plant at bubuksan lamang ito kapag naisagawa na ang safety measures alinsunod sa rekomendasyon ng Bureau of Fire Protection.
Nangako naman si Mayor Tiangco na magbigay ito ng counselling para sa mga residenteng na-trauma dahil sa insidente.
Ipasusuri na rin ng alkade sa BFP at Sanitation Officers ang iba pang mga ice plant at cold storage sa lungsod kaugnay sa kanilang Occupational Safety Standards and Environtmental Compliances.