PRINOKLAMANG bagong representante ng ikapitong distrito ng Cavite ang anak ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na si Ping Remulla.
Mula sa apat na kandidatong naglaban laban sa ginanap na special election sa ikapitong distrito ng Cavite ay ang anak ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla ang naiproklamang panalo.
Ito ay matapos makakuha si Crispin Diego “Ping” Remulla ng pinakalamaking bilang ng boto mula sa halalan na ginanap noong nakaraang Sabado.
Ang halalan ay idinaos sa mga lugar na sakop ng naturang distrito gaya ng Amadeo, Indang, at Tanza at sa lungsod ng Trece Martirez.
Bilang ng mga boto na nakuha ng apat na kandidato sa Cavite 7th District Special Elections:
Crispin Diego Remulla: 98,474
Melencio de Sagun, Jr.: 46,530
Jose Angelito Domingo Aguinaldo: 1,610
Michael Angelo Bautista Santos: 1,068.
Matatandaan na ang special elections sa 7th District ng Cavite ay idinaos matapos mabakante ang congressional post ni DOJ Sec. Remulla noong nakaraang taon.
At dahil si Ping Remulla ang iniluklok ng mga Caviteños, ibig sabihin nito, ang anak ang papalit sa kaniyang ama.
Samantala ayon naman kay Commission on Elections (COMELEC) Chairman George Garcia, generally peaceful ang naganap na halalan.
Wala aniyang naganap na anumang untoward incident habang isinasagawa ang special elections o sa buong election period.
Sa isang pahayag naman ay sinabi ni COMELEC spokesperson Atty. Rex Laudiangco na nasa 42.11% ang voter turnout ng halalan.
Ito ay matapos 149,581 ang bomoto mula sa 355,184 na rehistradong botante sa distrito.
Ayon kay Laudiangco, ang naitalang voter turnout ay pasok sa projected estimates ng COMELEC.
“This voter-turnout for this special elections is at 42.11% of the 355,184 total number registered voters with 149, 581 valid ballots cast and counted,” saad ni Atty. Rex Laudiangco, spokesperson, COMELEC.
Ang nagwaging kandidato ay maaari nang mag-umpisa at makapanumpa sa Kongreso sa lalong madaling panahon ayon kay Garcia.