SUMAKABILANG buhay na ang Ang Dating Daan Founder na si Bro. Eliseo Eli” Soriano o kilala bilang si “Ka Eli” sa edad 73, batay sa pormal na statement sa official Facebook page ng Dating Daan at ng Members Church of God International (MCGI).
Sa kabila ng opisyal na anunsiyo, bigo pa rin ang pamunuan ng MCGI na sabihin ang dahilan ng pagkamatay ng kanilang pinuno habang namamalagi ito sa Brazil.
Tahimik pa ngayon ang mga lider ng Ang Dating Daan kung sino ang papalit sa kanilang spiritual leader, pero ang sinasabing inaasahan ng marami ay ang pamangkin ni Soriano na si Daniel Razon.
Si Razon kasi ang kasalukuyang humaharap sa lahat ng pangangailangan ng nasabing kongregasyon simula nang mangibang bansa si Soriano.
Tiniyak naman ng grupo na magpapatuloy pa rin ang mga programa at proyektong sinimulan ni Ka Eli.
Ayon sa grupo, nagsimula ang kauna-unahang trabaho nito at lokal ni Bro. Eli sa Guagua, Pampanga na umabot sa Brazil at iba pang mga bansa.
Labis ang pagdadalamhati ng mga miyembro ng naturang religious group sa biglaang pagpanaw ng kanilang lider subalit patuloy pa rin anilang ipagpapatuloy ang nasimulan nitong pagpapalaganap ng salita ng Diyos.
Samantala kaugnay nito, matapos ang opisyal na anunsiyo ng pamilya ni Ka Eli, bumuhos ang pakikiramay ng mga tao sa pamamagitan ng pagpapahayag ng pakikidlamhati nito sa social media.
Kapansin-pansin na nagmula sa iba’t ibang relihiyon o pananampalataya ang nagpaabot ng pakikidalamhati sa lahat ng miyembro ng Ang Dating Daan.
Bukod sa pakikiramay, nanawagan din ang iba na irespeto ang pagkamatay ni Bro Eli sa kabila ng mga pagkakaiba-iba ng paniniwala at mga nakaalitan sa salita.
Matatandaang, nagkaroon ng mga kaalitan ang pinuno na si Soriano sa iba’t ibang grupo o sekta gaya ng Iglesia ni Cristo dahil sa malisyosong pahayag nito sa kaniyang programa sa telebisyion na kumukondena sa gawain ng pamunuan at pagbibintang nito sa mga kaso ng pagpatay laban sa INC.
Humarap rin si Soriano sa mga kasong libelo, at rape hanggang sa mahatulan itong guilty.
Taong 2006, nagpalabas ng warrant of arrest ang Regional Trial Court Third Judicial Region, Branch 54 ng Macabebe, Pampanga laban kay Soriano kaugnay ng dalawang kasong rape sa dating aide at secretary general ng grupo.
Ayon sa biktima na si Daniel Veridiano, nagsimula siyang abusuhin ni Soriano noong Mayo 17, 2000 at Hunyo 8, 2001 sa loob ng silid ng huli sa Convention Center sa Apalit, Pampanga.
Pero bago pa man naisampa ng DOJ ang kaso sa korte, nakaalis na ng bansa si Soriano noong 2005 na ngayon ay isa nang residente sa bansanng Brazil.
Itinatanggi naman ni Soriano ang paratang sa kanya kasabay nang pagsasabing kailaman ay hindi naging assistant secretary general ng ADD si Veridiano.
Sa ngayon ay wala pa rin katiyakan kung kailan madadala sa Pilipinas ang labi ng yumaong lider ng Ang Dating Daan.