NAG-DONATE ng halagang isang milyong piso sa lokal na pamahalaan ng Pasig City ang mga aktres na sina Anne Curtis at Angel Locsin.
Ito ang kinumpirma ni Pasig City Mayor Vico Sotto kasabay ng pagpapasalamat sa dalawang aktres na naglikom nito mula kanilang inorganisang shop and share fundraising drive.
Ayon kay Mayor Vico, ang cash donation nina Anne Curtis at Angel Locsin ay ilalaan ng lokal na pamahalaan sa kanilang vaccination program.
Isa rin sa in-appreciate ng alkalde sa dalawang aktres ay ang pag-abot ng mga ito sa naturang cash donation nang walang media coverage o kahit anong fanfare.
“Ito, walang fanfare, walang media. Shoutout at ang aking pasasalamat sa ‘Shop And Share.”
“Ito po sina Ate Angel Locsin at Ms. Anne Curtis, nag-donate po sila ng P1 million.” ani Mayor Vico.
Noong March 25, parehong nagbahagi sina Angel at Anne sa IG na ang Shop And Share ay nakalikom ng P6 milyon na pondo mula sa mga donasyong 44 na personalidad sa entertainment. Ang pera ay pantay na hahatiin sa Baguio City, Manila, Pasig City, Taguig City, at Quezon City, pati na rin sa Philippine Red Cross.