MALAMAN ang mensahing inihatid ni Brgy. Captain Jimmy Quijano Rimando sa kanilang isinagawang Barangay Assembly Day at Christmas Year End Celebration na ginanap sa Raniag, Community Center nitong Disyembre 30, 2024 na dinaluhan ni Mayor Jesus Laddaran at ng kanyang mga kabarangay.
Bilang kilalang ‘Action man’, inihayag ni Capt. Rimando na ang kanyang ginagawang pagtulong ay mula sa katagang ‘ano ang magagawa ko para sa gobyerno’ ito ang serbisyong dala nya sa kanyang kandidatura para sa pagka-alkalde sa darating na halalan ngayong Mayo 2025.
Naniniwala si Capt. Rimando na upang umunlad ang bayan, dapat mabago ang mentalidad ng taumbayan, ng isang Juan dela Cruz sa nakaugaliang ‘Ano ang makukuha ko o maitutulong sakin ng gobyerno’.
Tinatayuan ni mayoral aspirants Rimando ang kanyang ‘Aksyon Agad’ na serbisyo kung saan ramdam ito ng mga residente ng Raniag at nangako na dadalhin niya ang serbisyong ito sa labing siyam (19) na Barangay ng bayan ng Ramon.
Ibinida rin ng punong barangay ang hindi niya pagkuha sa kanyang buwanang sweldo, bagkus ipinagkaloob niya ito sa kanyang mga mahihirap na kabarangay bilang financial at educational assistance at ipinangakong gagawin nya ito habang siya ay Kapitan.
Bukod dito, malaki din aniya ang pagbabago sa kanilang mga pasilidad at mga serbisyo sa barangay, kabilang na ang pagsasaayos ng ilaw sa kanilang Barangay Hall, pagkabit ng mga CCTV, paglalagay ng mga barangay fence, pagsasaayos ng drainage system at marami pang iba.
Dagdag pa ni Rimando na ang taumbayan ang talo sakali man na hindi sya palarin sa halalan dahil sa mga magagandang serbisyo ng barangay Raniag na nais nyang dalhin sa buong bayan ng Ramon. Makatitiyak aniya na magseserbisyo sya sa taumbayan at hindi niya nanakawin ang pera ng bayan.
Kasabay sa isinagawang Barangay Assembly Day at Year End Christmas Celebration ay nagkaroon ng open forum kung saan nagkaroon ng pagkakataon na magtanong ng mga residente ng mahahalagang usapin.
Wala namang pagsidlan ng tuwa ng mga residente ng Raniag sa kanilang naiuwing premyo mula sa isinagawang-raffle na sako-sakong bigas, iba’t ibang appliances at cash price mula kina Mayor Laddaran at Brgy. Captain Rimando.