Anomalya sa ayuda ng food packs sa QC, ibinulgar ni Cong. Mike Defensor

Anomalya sa ayuda ng food packs sa QC, ibinulgar ni Cong. Mike Defensor

HINAMON ni Cong. Mike Defensor si Quezon City Mayor Joy Belmonte na ipaliwanag ang nasabing anomalya at maalingasngas na paggamit ng pondo sa di tugma at kaduda-dudang pagbili ng ayuda food packs.

Aniya, hanggang ngayon ay hindi pa rin maipaliwanag ng alkalde ang naturang anomalya sa pagbili ng 2 batches ng ayuda food packs kung saan maraming mga residente ng lungsod ang nagtatanong kung paanong ganun kalaki ang inabot na pondo gayong natuklasang napakalaking diperensya sa presyo ng kanilang binili kaninang umaga sa Kamuning Market sa QC.

Batay sa kanilang nakalap na mga dokumento mula mismo sa loob ng QC Hall, mismong pirmado pa man din ni Mayor Belmonte sa dalawang purchase orders (POs) para sa procurement na may kabuuang 600,000 food packs na nakalaan para sa mga mahihirap na residente ng QC na apektado ng pandemya dulot ng COVID-19.

Natuklasang isa sa PO na may petsang November 23, 2020 ay inisyu sa LXS Trading na may address na 1210 Suntrust Capitol Plaza, Matalino St., Central, QC para sa supply ng 250,000 food packages na nasa P1,149.98 bawat isa na may kabuuang presyong aabot sa P287,475,000.

Habang ang isa namang PO kung saan ay hindi inilagay ang petsa ay inisyu naman sa Thyme General Merchandise na nasa 32 Batay St., Cubao, para sa 350,000 food packs na nasa P1,149.98 din bawat isa na umaabot naman sa kabuuang P402.5 milyon.

Lumabas na base aniya sa kanilang isinagawang price canvass, nabunyag na ang bawat food bag ay nagkakahalaga lamang ng P636 o may overpriced na P513.98.

Ibinunyag ni Defensor na sa kanilang pagtatantya ay nasa P308 milyon ang kabuuang overpriced para sa naturang dalawang biniling batches ng ayuda food packs.

Kabilang sa mga food packs na ipinakitang binili ng QC LGU na kahalintulad sa binili nila kaninang umaga sa Kamuning Market ay ang limang kilong bigas, maliliit na delata ng meat products, spaghetti noodles, sauce, cheese at gatas.

 

SMNI NEWS