Anti-bomb threats drive, mas paiigtingin pa ng PNP sa mga paaralan—PNP PIO

Anti-bomb threats drive, mas paiigtingin pa ng PNP sa mga paaralan—PNP PIO

TULUY-tuloy ang kampanya ng mga awtoridad kaugnay sa mga banta ng pagpapasabog o bomb threats.

Ayon sa Philippine National Police (PNP) mas paiigtingin pa nila ang kanilang paalala sa publiko lalo na ang mga estudyante sa pag-iingat sa mga bantang ito.

Ito ay upang lalong mapataas ang kaalaman at kasanayan ng publiko laban sa mga lumalaganap na bomb threats sa bansa.

Siniguro ng pambansang pulisya ang kanilang partisipasyon sa nasabing kampanya.

Bagama’t humuhupa na ang isyung ito, patuloy pa rin anila ang kanilang koordinasyon sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan kasama na ang mga eskwelahan.

Sa panayam naman ng SMNI News, nilinaw ni PIO Chief Police Col. Jean Fajardo ang nasabing hakbang bilang bahagi ng mas pinaigting na ugnayan ng pulisya sa mga paaralan partikular na ang ipagbigay alam agad sa kinauukulan ang mga napapansing kahina-hinalang tao o bagay sa paligid.

Nabatid na bahagyang naapektuhan ang mga aktibidad ng bansa dahil sa nasabing bomb threats pero giit ng PNP hindi na ito bago at nangyayari din ito sa iba pang parte ng mundo maliban sa Pilipinas.

Training ng mga pulis vs cybercrimes, nagpapatuloy

Sa kabilang banda, tiniyak din ng PNP ang pagkakaroon ng mas malakas na paglaban sa mga nagtatangkang manggulo at maghasik ng karahasan sa bansa.

Sa ngayon, nakikiusap muna ang PNP sa mga institusyon sa bansa na palawakin pa ang kaalaman ng kanilang mga guwardiya at mga tauhan nito sa pagtugon sa mga natatanggap na banta sa seguridad, at mga pag-atake online para mapigilan ang pambibiktima at paghahasik ng takot sa publiko.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble