HINDI dapat katakutan ang Anti-Terrorism Law ayon sa panawagan ng mga grupong sumusuporta sa kontrobersyal na batas.
Isanagawa ang oral arguments kanina sa Supreme Court hinggil sa kontrobersyal na Anti Terrorism Law upang talakayin ang constitutionality nito.
Umaga pa lang ay maririnig na ang mga sigaw ng mga iba’t ibang organisasyon at grupo na tutol at pabor sa sinasabing batas.
Ayon sa mga grupo na sumusuporta sa Anti-Terrorism Law, hindi dapat ito katakutan ng mga tao dito.
Anila ang batas ay para sa mga terorista at mga tagasuporta ng makakaliwang grupo.
Dagdag nila, ang layunin ng batas na ito ay para protektahan at siguraduhin ang kaligtasan ng mga mamamayan.
Ang Anti-Terror Act anila ay magiging susi sa pagsugpo sa lahat ng uri ng terorismo sa bansa.
Ayon kay Yakap ng Magulang Founding President Relissa Santos Lucena ang Anti-Terrorism Law ang tanging pag-asa ng mga magulang ng mga estudyanteng nare-recruit ng makakaliwang grupo.
Sinabi naman ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr., ang Anti-Terrorism Law ay isinabatas para sa mamamayang Pilipino.
Dagdag ni Esperon, walang ibang hangad ang nasabing batas kundi bigyan ng pagkakataon ang mga law enforcement officers na gampanan ang kanilang tungkulin na protektahan ang mamamayan.
Naniniwala naman si Duterte Youth Chairman Ronald Cardema na maraming pa ring Pilipino ang tiwala sa pamahalaan at sumusuporta sa layunin nito na tuldukan ang terorismo sa bansa.
Matatandaang nilagdaan at isinabatas ni Pangulong Rodrigo Duterte noong July 3, 2020 ang Republic Act No. 11479 o ang Anti-Terrorism Act of 2020 na naglalayon na sugpuin at parusahan ang terorismo.
Layon rin nitong amiyendahan ang mga probisyon ng Human Security Act of 2007.
Bago pa man inaprubahan ang Anti-Terror Law, ay umani Ito ng batikos sa ilang senador, human right lawyers at iba’t ibang organisasyon na tutol dito.