KINUMPIRMA ng Department of Justice (DOJ) na hindi tumitigil ang Anti-Terrorism Council (ATC) sa pagkalap ng mga ebidensiya laban kay suspended Negros Oriental Representative Arnolfo Teves, Jr. kaugnay sa isyu ng terorismo.
Sinabi ni Justice Secretary Crispin Remulla na sa katunayan ay nasa 50 katao na ang tumetestigo sa pagkakasangkot ni Teves sa terorismo sa kanilang lalawigan.
Suportado aniya ng mga testimonya at mga ebidensiya ang binubuo nilang kaso laban sa kongresista at sa organisasyon nito.
Kabilang aniya sa mga iniimbestigahan sa ngayon ay ang kasamahan ni Teves na nagngangalang Eric Gallaga.
Mayroon nang binuong technical working group ang Anti-Terrorism Council kung saan miyembro ang DOJ para irekomenda na ideklarang terorista si Teves at ang ilang mga kasamahan nito dahil sa umano’y paglikha ng takot sa mga tao sa kanilang probinsiya.