PAIIGTINGIN ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang anti-terrorism operations laban sa mga miyembro ng New People’s Army (NPA) na nagtatago sa batas.
Ito ang tiniyak ni PNP Chief Police General Dionardo Carlos kasunod ng ika-53 anibersaryo ng NPA.
Ayon kay Carlos, isisilbi nila ang mga kinakaharap na warrant of arrest ng mga miyembro ng NPA upang mapanagot sila sa batas.
Wala aniyang dapat na ipagdiwang ang NPA dahil ang anibersaryo nito ay nagsisilbing paalala sa libu-libong buhay na nawala sa nakalipas na limang dekada kasunod ng kanilang karahasan.
Nabatid na naaresto ng pulisya si Elmer Forro Sr., 52 taong gulang at secretary-general ng Bayan Muna Panay sa Sitio Bangko, Barangay Lutac, Cabatuan, Iloilo kaninang umaga.
Si Forro ay may warrant of arrest para sa kasong attempted murder at murder kung saan walang inirekomendang piyansa.
Pagsuko ng natitirang NPA, muling ipinanawagan ng Task Force Balik-Loob
Dapat na sumuko ang nalalabing miyembro ng NPA at samantalahin ang inilaang mga programa ng gobyerno.
Ito ang muling panawagan ni Defense Undersecretary at Task Force Balik-Loob Chair Reynaldo Mapagu kasunod ng ika-53 anibersaryo ng grupo kahapon.
Ayon kay Mapagu, sa halip na maging paalala sa ginawang karahasan ng grupo ay maiging gawin itong pagdiriwang para sa mga NPA na nagbalik-loob sa gobyerno.
Patuloy aniya ang ginagawang hakbang ng gobyerno para sa mga NPA sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) lalo na ang mga biktima ng propaganda ng grupo.
Umaasa si Mapagu na magtutuloy-tuloy ang magandang nasimulan ng gobyerno tungo sa pangmatagalan kapayapaan sa bansa.