Apat na rebelde sa Sultan Kudarat nagbalik-loob sa pamahalaan

Apat na rebelde sa Sultan Kudarat nagbalik-loob sa pamahalaan

APAT na rebelde ang nagbalik-loob sa ating pamahalaan mula sa  Barangay Tibpuan, Lebak, Sultan Kudarat.

Nagpapatuloy ang pagdagsa ng mga gustong mag balik-loob na Communist Terrorist Groups, kung saan apat pa mula sa nasabing grupo ang nagpasya na talikuran ang kilusang komunista at mamuhay ng mapayapa.

Sumuko ang nasabing mga rebelde sa 37th Infantry Battalion (37IB) noong Nobyembre 9,  2021 nasabing probinsiya.

Kasabay na isinuko ng mga dating rebelde sa ilalim ng West Daguma Front, SRC Daguma, Far South Mindanao Region (FSMR) ang kani-kanilang mga baril.

Kabilang dito ang isang locally made Cal .22 rifle, isang locally made pistol 12 gauge, isang Cal .45 pistol COLT M1911 at isang rifle grenade.

Ibinunyag ni Lieutenant Colonel Allen Van Estrera, Commander ng 37IB na ang serye ng Community Support Program (CSP) na isinagawa kasama ng iba pang programa ng gobyerno at pribadong organisasyon ang nagtulak sa mga dating rebelde na isuko ang kanilang mga baril at makiisa sa pamahalaan.

“Itong mga dating rebelde ay nagpasya na sumuko dahil gusto nilang magkaroon ng mapayapa at normal na buhay.  Pagod na silang magtago at ngayon ay gusto na nilang mamuhay ng mapayapa kasama ang kanilang mga pamilya,” pahayag ni Estrera.

Samantala, nagpasya rin ang isa pang high ranking leader ng Communist Terrorist Group (CTG) na sumuko sa tropa ng gobyerno sa ilalim ng 38th Infantry Battalion (38IB) sa Sitio Macao, Brgy.  Kablacan, Maasim, Sarangani Province noong Nobyembre 7, 2021.

Sinabi ni Commanding Officer ng 38IB, Lieutenant Colonel Anhouvic Atilano na boluntaryong sumuko si alyas Manoy, Commander ng Green Peak Platoon, Guerilla Front Musa, FSMR sa himpilan ng 38IB.

“Ang pagsuko ni alyas Manoy, isang nangungunang opisyal ng isang CTG sa Sarangani, ay nagpapakita lamang na ang kampanya ng JTFC laban sa terorismo ay nagkakaroon ng momentum dahil mas marami sa kanilang mga miyembro ang napilitang bumalik sa mga kulungan ng batas,” pahayag ni Atilano.

Dagdag pa noong Nobyembre 2, 2021, nagpasya ang isa pang miyembro ng communist terrorist group na sumuko sa tropa ng 5th Special Forces Battalion sa Brgy Lambingi, Banga, South Cotabato.

Isinuko ng nasabing rebelde ang isang US M1 cal.30 carbine rifle at isang magazine na may tatlong rounds ng cartridge cal.30 ammunition.

Pinuri naman ni Major General Juvymax Uy, Commander ng Joint Task Force Central at ng 6th Infantry Division ang pagsisikap ng parehong tropa ng JTFC at ng Local Government Units ng Sultan Kudarat, Sarangani Province at South Cotabato.

“Ang dami ng pagsuko ng komunistang teroristang grupo ay resulta ng Community Support Program (CSP) ng Joint Task Force Central.  Ilan sa kanilang mga pinuno at ilang miyembro ay sumuko na.  Nagising na sila at napagtanto na ang mga ideolohiya ng CTG ay isang panlilinlang,” pahayag ni Uy.

Nananawagan naman ang JTFC at ng 6ID sa mga natitirang miyembro ng CTG na talikuran ang kanilang armadong pakikibaka.

SMNI NEWS