Apela ng Rappler sa CA para sa na-revoke na SEC registration, walang bisa – Atty. Gadon

Apela ng Rappler sa CA para sa na-revoke na SEC registration, walang bisa – Atty. Gadon

IGINIIT ni senatorial candidate Atty. Larry Gadon na walang bisa ang apela ng Rappler sa Court of Appeals (CA) matapos i-revoke ng Security and Exchange Commission (SEC) ang kanilang Certificate of Incorporation.

Taong 2018 pa nang ni-revoke ng SEC ang Certificate of Incorporation ng kontrobersyal na news outfit na Rappler.

Rason ng SEC, tumatanggap ng foreign funding ang Rappler matapos umano itong magbenta ng Philippine Depositary Receipts sa isang foreign funder.

Sa ilalim ng konstitusyon ipinagbabawal ang foreign funding sa lahat ng media organizations sa bansa.

Bilang legal remedy, dumulog ang Rappler sa CA ngunit hanggang ngayon ay inamag na ang apela at wala pang desisyon dito ang CA.

Ngunit ayon sa batikang abogado na si Atty. Larry Gadon, hindi maaring pakialaman ng CA ang desisyon ng SEC.

‘Merong findings ang SEC dito na meron silang mga violation sa registration ng company kaya nga lang na-revoke. At hindi katwiran na meron silang appeal sa Court of Appeals doon sa revocation ng kanilang registration sapagkat ang SEC ay isang ahensya ng gobyerno na nag-aaprove or nagdi-disapprove ng mga registration ng mga korporasyon at yang kanilang findings diyan ay ano na yan conclusive ‘yan,’ pahayag ni Gadon.

Diin ni Gadon, hindi maaaring baliktarin ng CA ang desisyon ng SEC.

“The Court of Appeals cannot order the SEC na huwang niyong i-revoke yung registration niyan kasi this is a regulatory body,” aniya.

“Halimbawa, ikaw ay nag-apply ng drivers license at ikaw ay through error ay nabigyan ng drivers license – yun pala hindi ka marunong mag-drive. Nagkabangga-bangga ka, marami kang nasagasaan, ni-revoke yung license mo. Pwede mo bang sabihin sa Court of Appeals na ‘na-issuehan na’ko ng drivers license, hindi pwede ako i-revoke’. Yun pala may error, merong violations na ginagawa ka. So, parang ganun yun,’ dagdag nito.

Diin pa ni Gadon, ngayong revoked na ang permit ng Rappler, wala nang dapat pang i-apela at ang dapat aniyang gawin nito ay ang mag-apply ng bagong SEC registration.

‘Ang regulatory agency once revoked, revoked na. So, hindi pwedeng katwiran yun na nag-appeal naman kami. Wala yun.  Anything naman can pwede mong i-appeal eh,’ ayon pa kay Gadon.

Sa ngayon wala pang komento ang Rappler sa bagong pahayag ni Gadon. Bukas naman ang SMNI News sa kanilang panig.

Follow SMNI News on Twitter