Aplikasyon ng PUV special permit para sa Undas, binuksan ng LTFRB

Aplikasyon ng PUV special permit para sa Undas, binuksan ng LTFRB

BUKAS na ang aplikasyon ng special permit para sa mga Public Utility Vehicle (PUV) ayon sa inanunsyo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ngayong Miyerkules, Oktubre 5, 2022.

Layunin ng ahensiya na bigyang-daan ang paghahanda para sa inaasahang pagdagsa ng mga pasaherong uuwi sa kani-kanilang probinsiya sa Undas.

Dahil dito, puwede nang pumunta sa tanggapan ng ahensiya ang mga PUV operator na bibiyahe sa darating na Undas.

Kailangan lamang sundin ng mga PUV driver ang hakbang na dapat sundin sa pagkuha ng special permit.

Hakbang para sa pagkuha ng Special Permit

1.) Pumunta sa Window 6 ng Technical Division upang magpa-assess ng mga kailangang bayaran para sa Special Permit.

2.) Pumunta sa Door B upang bayaran ang application

3.) Pumunta sa Window 8 upang isumite ang apat (4) kopya ng Application of Special Permit kasama ang mga documentary requirements.

4.) Pagkatapos ng ilang araw o bago ang ika-28 ng Oktubre, bumalik sa tanggapan ng LTFRB at dumiretso sa Information Systems Management Division (ISMD) upang kunin ang Special Permit.

Source: LTFRB

Kailangan din ang mga documentary requirements na isumite ng PUV operators sa pag-apply ng Special Permit, gaya ng OR/CR ng mga sasakyan, personal Passenger Insurance Policy at Franchise Verification.

Requirements sa pagkuha ng Special Permit:

1.) OR/CR ng mga sasakyan

2.) Personal Passenger Insurance Policy

3.) Franchise Verification

Source: LTFRB

Nanawagan naman ang LTFRB na kumuha na agad ng special permit upang makapaghanda sa nalalapit na Undas.

Ngunit, mariing pinaalalahanan ng LTFRB ang mga operator o driver na sumunod sa mga alituntunin at polisiya ng ahensya sa pagpasada.

Ang sinumang mahuling lalabag sa mga ito ay papatawan ng karampatang parusa base sa mga kondisyon ng kanilang Certificate of Public Convenience, Special Permit at ng Joint Administrative Order No. 2014-01.

Follow SMNI NEWS in Twitter