Aplikasyon para sa Special Permit ng mga PUV para sa Undas, higit 200 na

Aplikasyon para sa Special Permit ng mga PUV para sa Undas, higit 200 na

TULUY-tuloy ang pagproseso ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa mga aplikasyon para sa Special Permit ng mga Public Utility Vehicles (PUVs) na bibiyahe sa Undas.

Sa pinakahuling datos ng ahensiya, nakatanggap na ito ng 256 aplikasyon para sa special permit ng 615 bus units.

Posible namang mailabas na sa mga susunod na araw ang mga special permit para sa mga pampublikong transportasyon.

Kabilang dito ‘yung mga bus na bibiyahe sa iba’t ibang probinsya.

Inaasahan naman ng ahensiya na makatutulong ang mga dagdag na PUVs para sa inaasahang dagsa rin ng ridership ngayong Undas.

Matatandaang, binuksan ng LTFRB ang application ng Special Permit ng mga PUV para sa Undas noong Oktubre 5.

Ito’y bilang paghahanda sa inaasahang pagdagsa ng mga pasaherong uuwi sa kani-kanilang probinsiya para bisitahin ang puntod ng kanilang mga namayapang mahal sa buhay.

Samantala, hinikayat ng LTFRB ang mga PUV operators na mag-apply na upang makuha agad ang kanilang Special Permit at makapaghanda para sa kanilang biyahe sa Undas.

Kinakailangan lang na dalhin ng mga ito ang mga documentary requirements gaya ng OR/CR ng mga sasakyan, Personal Passenger Insurance Policy at Franchise Verification.

Nagpaalala ang ahensiya sa mga PUV operator at driver na sumunod sa mga alituntunin at polisiya ng ahensiya sa pagpasada.

Binalaan naman ng LTFRB ang mga PUV operator na papatawan ng karampatang parusa base sa mga kundisyon ng kanilang Certificate of Public Convenience (CPC), Special Permit, at ng Joint Administrative Order ang sinumang mahuling magpapasaway.

Follow SMNI NEWS in Twitter